NAGBABALA ang Philippine National Police Anti Cybercrime Group (PNP-CG) sa publiko laban sa love scam at pekeng crypto-currency website.
Ibayong pag-ingat din ang paalala ng awtoridad dahil sa bagong bersyon ng “love scam” ngayong Buwan ng mga Puso.
Ayon kay ACG Cyber Response Unit Chief Police Colonel Jay Guillermo katulad ng tradisyunal na Love scam, naghahanap ang mga scammer ng mga biktima na makakarelasyon sa pamamagitan ng mga dating app at social media sites.
Ang pagkakaiba aniya ng bagong modus sa orihinal na Love scam ay sa halip na humingi ng pera sa biktima kapag nahulog na ang loob nito sa scammer, hinihikayat ang biktima na mag-invest sa isang pekeng crypto-currency website.
Sa oras na mag-invest ang biktima ay saka na maglalaho ang website at hindi na rin magpaparamdam ang suspek.
Kaya payo ng ACG sa mga naghahanap ng pag-ibig sa internet, na maging mapanuri sa mga nakikilala sa pamamagitan ng social media.
EUNICE CELARIO