FLOOD CONTROL PROJECTS NG DPWH WALANG SILBI

NAGMISTULANG walang silbi ang sangkatutak na flood control projects sa lalawigan ng Bulacan kapag bumubuhos ang malakas na ulan.

Ito ang hinaing ng mga motoristang na-stranded sa North Luzon expressway nitong nakalipas na dalawang araw nang manalasa ang habagat at bagyong Carina.

Bukod sa NLEX naperhuwisyo rin sa tubig baha ang mga motorista sa ibat-ibang lugar ng Metro Manila, dahil sa walang humpay na buhos ng malakas na ulan.

Halos lampas tao ang lalim ng tubig baha sa may Valenzuela Exit, bago makatawid sa Balintawak at nagmistulang palaisdaan.

Dahil dito ay daan-daang motorista ang na-stranded papunta sa mga bayan ng  Sta. Maria, Plaridel, San Miguel, Baliuag hanggang Cabanatuan.

Ayon sa mga ito, tila nagsasayang lamang ang pamahalaan sa bilyon-bilyong salapi sa mga naturang projects, dahil  sa halip na makontrol ang tubig sa mga lansangan, ay lalong lumalala ang problema ng mamamayan kapag tag-ulan.

Gayon pa man, sinabi ng isang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na ayaw magpabanggit ng  pangalan, hindi makakayanan ang tubig ng mga itinayong flood control projects na ito, kaya nananatiling baha  kapag nagpakawala ng tubig ang mga dam sa Central Luzon.

Ito aniya ang pangunahing dahilan kung kayat hindi mapigilan na tumaas ang tubig sa mga lalawigan ng  Bulacan,Pampanga at sa Metro Manila, dahil sa mga tubig na nanggagaling sa mga  dam  na binubuksan   kapag may bagyo o sobra ang buhos ng ulan.

FROILAN MORALLOS