KASUNOD ng mga aktibidad ng pamamahagi ng kanyang team sa mga bayan ng Mapanas at Lavezares, ipinadala ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang koponan upang bisitahin ang Catarman, Northern Samar noong Miyerkoles, Enero 18, at nag-turn over ng mga relief goods sa lokal na pamahalaan nito na ipapamahagi sa mga biktima ng baha.
Nakatakdang bumisita sa lalawigan si Senador Go noong Enero 17 para personal na magbigay ng tulong sa mga mahihirap ng nasabing mga bayan, bisitahin ang inayos na public market sa Catarman, inspeksyunin ang Super Health Center sa Lavezares gayundin ang bagong itinayong covered court na sinuportahan ng senador.
Gayunpaman, dahil sa isang mekanikal na isyu sa isa sa mga makina ng sinakyang eroplano ay napilitan silang ihinto ang kanyang paglipad.
“Sa kasamaang palad, noong kami ay papaangat na para lumipad ay nagkaroon ng mechanical issue sa isa sa mga makina at preno ng eroplanong aming sinasakyan kung kaya’t naantala ang aming pagbiyahe. Salamat sa Diyos, ligtas kami at walang gaanong aberya ang idinulot sa ating paliparan sa nangyari,” pahayag ni Go.
“God willing, patuloy po akong bibisita sa ating mga kababayang tinamaan ng sakuna at nangangailangan dahil sa iba’t ibang krisis na hinaharap ng ating bansa. Tutulong po ako sa abot ng aking makakaya nasaan man kayo sa bansa,” dagdag nito.
Naghatid ang grupo ni Go ng grocery packs para sa mga pamilyang biktima ng pagbaha.
Nagkaloob din ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development.
Pinuri ni Go ang local officials sa Catarman, sa pangunguna ni Mayor Francisco “Antet” Rosales III, sa serbisyo sa mga nasasakupan nito.
“Maraming salamat aking mga kapwa lingkod bayan diyan sa Catarman. Nais ko man pumunta pero ayaw ko rin pong mapahamak ang aking mga kasamahan. Sana po ay makadalaw na ako ulit sa inyong magandang bayan,” saad ni Go.
Matatandaang noong 2019, agad na nakipag-ugnayan si Go kay dating mayor Francisco “Jun” Rosales matapos malaman na ang Catarman Public Market ay lubhang napinsala ng isang insidente ng sunog. Sa suporta ng senador, matagumpay na naitayo ang pampublikong pamilihan at naisagawa ang inagurasyon noong nakaraang taon.
Ipinahayag din ng senadora ang kanyang optimismo na ang muling itinayong pampublikong pamilihan ay magbibigay daan para sa mas maraming oportunidad sa ekonomiya sa bayan.
“I am happy that the reconstruction of the Catarman Public Market II has finally been completed and will go back to its glory of providing basic food necessities for the people of Catarman,” ayon kay Go.