‘FLORITA’ POSIBLENG MAGING GANAP NA MALAKAS NA BAGYO

NGAYON pa lamang ay nagbabala na ang National Disaster Risk Reduction Management Council at state weather bureau na maging handa dahil possible umanong maging isang Tropical Storm ang Bagyong Florita.

Kasalukuyang binabantayan ng PAGASA ang Low pressure Area (LPA) na inaasahang magiging ganap na bagyo at maaaring umabot sa tropical storm category sa susunod na dalawang araw.

Ayon sa PAGASA, base sa kanilang Tropical Cyclone Bulletin no.1 na walang pang lugar na nakataas ang tropical cyclone wind signal.

Kahapon ay nanatiling hindi pa ganap na nararamdaman ang direktang epekto ng Tropical Depression Florita sa anumang parte ng bansa, ayon sa PAGASA.

Subalit, ngayon Lunes ay maaari magsimulang maranasan ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay mabigat na pag-ulan sa eastern sections ng Northern at Central Luzon.

Ayon sa PAGASA, maaaring bumagal ang pagkilos ng bagyo sa direksyong Timog-Kanluran sa susunod na 12 oras.

Base pa sa forecast track, posibleng mag-landfall ang bagyo sa bisinidad ng Cagayan o northern portion ng Isabela sa Martes ng umaga o hapon, Agosto 23.

Kaya pinaghahanda ng PAGASA ang publiko at disaster risk reduction and management offices na maghanda sa posibleng idulot na pananalasa ng sama ng panahon. VERLIN RUIZ