HINDI tutol ang Department of Health (DOH) sa paggamit ng flu at pneumonia vaccine upang maiwasan ang mga karagdagang kumplikasyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), at sa halip ay inirerekomenda pa umano nila ito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, makatutulong ang naturang mga bakuna para makaiwas ang isang pasyente sa karagdagang kumplikasyon, sakaling dapuan sila ng COVID-19.
Sa katunayan ay mayroong programa ang DOH na nagbibigay ng bakuna laban sa flu at pneumonia sa mga bata at nakatatanda.
Nauna rito, sa isang panayam sa telebisyon ay natanong si Vergeire kung makatutulong ba ang mga naturang bakuna para maiwasan ang kumplikasyon ng COVID-19.
“Agree po kami diyan. Actually we have that kind of program for children and for the elderly,” tugon naman ni Vergeire.
“It can help you kasi para hindi nagkakaroon ng additional complication ‘yung mga mayroong may COVID-19. ‘Yung mga nagpapa-flu vaccine or pneumonia vaccine, we do not advise against it. We even recommend it because we have that program as well,” aniya pa.
Matatandaang isa sa mga kumplikasyon ng COVID-19 ay pneumonia na isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng pasyente nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.