NILINAW ni Commission on Elections chairman George Erwin Garcia na buwan pa ng Oktubre nang ipag-utos nito ang imbestigasyon hinggil sa umano’y iregular na pagtaas sa bilang ng mga bagong botante.
Ayon kay Garcia, magsasagawa ng pagsisiyasat ang poll body sa pamamagitan ng itatatag na task force kaugnay sa nasabing isyu.
Isa umano sa nakikitang dahilan sa paglobo ng mga new registrant sa ilang lugar ay ang mga inisyung barangay certification of residency.
Ginawa ni Garcia ang naturang pahayag matapos sabihin ni Cagayan de Oro First District Representative Lord Suan na may iregular na pagtaas sa bilang ng mga bagong botante sa Batangas, Makati at Nueva Ecija.
Samantala, napatunayan ng Comelec na mahalagang instrumento ang Automated Fingerprint Identification System (AFIS) para matukoy ang mahigit isang milyong rehistradong botante na mayroong doble o multiple registration.
Nadiskubre ang mga botanteng na hinihinalang double registrants na posibleng umanong gamiting flying voters o kaya ay mga transfer registrant lamang sa pamamagitan ng AFIS.
Ang AFIS ay isang sistema na gumagamit ng biometric data ng mga botante upang matukoy ang mga may doble o maramihang rehistro.
Dahil dito, ang mga natukoy na botante ay hindi na papayagang bumoto sa nalalapit na national and local elections at Bangsamoro Parliamentary Elections sa Mayo, 2025.
“We will be deleting some one million voter registration records found by our AFIS as double or multiple registrants” pahayag ni Garcia sa isang press briefing sa Bangsamoro Government Center.
Nabatid na posible rin sampahan ng kaso ang mga natukoy na may maramihang rehistro.
“The fact that you registered more than once, whatever your reason is, could be punishable as an election offense. We will check the reasons behind the multiple registrations if they are just cases of transfer that weren’t immediately forwarded, or reactivation but applied as a new registrant… we will check if it is in good faith,” paliwanag Garcia.
VERLIN RUIZ