MARAHIL ay wala nang ibang bansa na angkop para simulan ni Eduard ‘Landslide’ Folayang ang kanyang daan pabalik sa ONE Lightweight World Title kundi ang Singapore.
Tutal naman, ang Lion City ay naging mabuti sa kanya at sa kanyang mixed martial arts career.
Kaya sa kanyang pagsagupa kay Antonio ‘The Spartan’ Caruso ng Australia sa isa sa tampok na undercards sa ONE: INSIDE THE MATRIX sa October 30 sa Singapore Indoor Stadium, kumpiyansa siya na magagaya niya ang naunang mahika na mayroon siya sa naturang bansa.
“Nag-start palagi iyan sa Singapore,” pahayag ni Folayang sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webcast Forum kahapon.
“Napaka-importante nito para sa akin, sa team ko, and sa bayan na rin kasi gusto nating makuha ‘yung belt for the third time and it always starts in Singapore because maganda ang experiences natin doon.”
Magugunitang sa Singapore siya nagsimulang gumawa ng pangalan sa international circuits, kung saan hindi siya na-kalasap ng talo sa martial combat tungo sa paghahari sa kauna-unahang ONE event noong 2011.
Sa parehong venue noong 2016, naitala niya ang pinakamalaking panalo sa kanyang career, isang third-round TKO laban sa minamalaking si Shinya ‘Tobikan Judan’ Aoki upang kunin ang ONE Lightweight world title sa unang pagkakataon.
Sa kasalukuyan ay 6-1 siya roon at kumpiyansa ang kanyang head coach na si Mark Sangiao na aangat pa siya matapos ang naturang event.
“We’re claiming this! We’re claiming Eduard to be the lightweight champion again. I believe in him, and for as long as the fire is still there I believe he can still do it,” wika ni Sangiao, na sinamahan si Folayang sa forum.
Para kay Sangiao, ngayon na ang pinakamagandang panahon para makabalik si Folayang, lalo pa’t nanatili silang aktibo simula pa noong Marso.
Comments are closed.