(Follow up operation tuloy tuloy) DAYUHANG NASA SA LIKOD NG 1.4 TONS NG SHABU TINUTUGIS

INIHAYAG ng Philippine National Police na tuloy tuloy ang isinasagawang follow up operation kaugnay sa pinakamalaking bulto ng droga na nasabat ng mga awtoridad sa Alitagtag, Batangas kamakailan.

Ito ay makaraang makatakas umano ang isang Canadian na hinihinalang may kaugnayan sa tangkang pagpupuslit ng may 1,424.253 kilograms ng high grade shabu.

Sa ulat ay sinalakay ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng PNP at Batangas Police ang nirerentahang bahay ng isang Canadian na iniuugnay sa nasabat na P9.6-B na iligal na droga.

Ayon sa PNP-Police Regional Office 4-A, ginanap ang operasyon kamakalawa ng madaling araw.

Armado ng search warrant na inilbas ng korte kaugnay sa paglabag sa RA 9165, o comprehensive dangerous drugs act ay sinalakay ang tinutuluyan ng suspek sa Maya maya ocean residences, Brgy Natipuan, Nasugbu, Batangas.

Sinasabing nagmula muna ang mga nasabat na droga sa Nasugbo subalit hindi natagpuan ng mga pulis ang nasabing suspek at wala rin umanong nakitang ebidensiya sa sinalakay na bahay kaya hindi pa rin tukoy ang partisipasyon ng banyaga sa nasabing drug haul.

Samantala, nasa kustodiya ngayon ng mga awtoridad ang isang yate na pinaniniwalaang pinaglagyan ng mahigit isang toneladang shabu bago ito tuluyang nasabat sa isang checkpoint.

Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, iniimbestigahan na sa kasalukuyan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging papel ng yate sa pagta-transport ng P9.6 bilyong halaga ng droga.

Ani Marbil, may mga person of interest pang sinusundan ang PNP at maging mga sasakyang posibleng nagamit sa pag-transport ng droga sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya.

Tiniyak ni Marbil na magiging air tight ang kaso laban sa mga suspek habang tuloy tuloy ang ginagawa nilang case build up laban sa driver ng van at iba pang mga posibleng sangkot. VERLIN RUIZ