(Ni CT SARIGUMBA)
KUNG mayroon mang napakahirap gawin, iyan ay ang ayawan o hindian ang pagkaing nasa ating harapan. Sa histura pa lang at amoy ng pagkain, natatakam na tayo. Paano pa kapag natikman na natin. Paniguradong maiibigan at mahihirapang awatin ang sariling huwag kumain ng sobra.
Kahit na anong gawin natin, talagang mahirap ayawan ang pagkain lalo na kung nasa harapan na natin ito. Mahirap hindian ang isang putahe kung hinahanap-hanap ito ng panlasa.
May mga pagkakataong hinahayaan natin ang sariling lantakan ang pagkaing nais o kinatatakaman ng panlasa. Ngunit dapat ay limitado lamang din ang pagkonsumo natin. Mahirap din kasing ma-addict sa pagkain.
Pero marami sa atin na masyadong ipinagwawalang bahala ang pagkain ng marami. Hindi natin iniisip na senyales na pala ito ng pagka-addict sa pagkain, bagkus, ang pakahulugan natin dito ay magana lang sa pagkain.
Kailangan nating malaman kung addict na nga ba tayo sa pagkain. Ang mga sumusunod ang ilang senyales na nagpapatunay na addict ka na nga sa pagkain:
NAGHAHANAP NG PAGKAIN KAHIT BUSOG NA
Nakahihiya mang sabihin o aminin pero marami sa atin ang ngumunguya pa lang, naghahanap na ng panibagong kakainin. Nag-iisip na ng masarap na puwedeng lantakan.
Maalarma na tayo kung kakakain pa lang o kahit na busog na ay naghahanap pa rin ng makakain. Senyales na kasi iyan ng food addiction.
NAGI-GUILTY SA PAGKAIN NG SOBRA PERO PATULOY PA RING GINAGAWA
Pangalawang senyales ng food addiction ay kung kain ka nga nang kain ng marami tapos nagi-guilty ka pero hindi ka naman tumitigil at ginagawa mo pa rin ang nakagawian.
Oo, kung minsan talaga ay nagi-guilty tayo lalo na kung sobrang dami o bundat na bundat na tayo sa kakakain. Pero kung nagi-guilty, baguhin ang nakasanayan.
Kumain lang ng tama.
GUMAGAWA NG EXCUSES SA ULO
Isa pa sa senyales ng food addiction ay ang paggawa ng excuses o dahilan sa ulo. Ilan sa dahilan ay mainit naman kaya okey lang ang kumain. O kaya naman, mainit naman kaya’t kahit na kumain ng marami, okey lang dahil matutunaw agad.
Dahil sa ganitong pag-iisip, kadalasan ay napapakain tayo ng sobra at nauuwi ito sa food addiction.
Matuto tayong kumain ng tama at maging responsable.
ITINATAGO O ITINATANGGI SA IBA ANG PAGKAIN NG MARAMI
Panghuli, itinatago o itinatanggi ang pagkain ng marami.
Kung patago kang kumakain o ayaw mong ipaalam sa iba, senyales na iyan ng food addiction.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa senyales ng food addiction.
PARAAN UPANG MAIWASAN ANG FOOD ADDICTION
Para naman maiwasan ang food addiction, narito naman ang ilan sa simpleng paraan:
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Importante ang pag-inom ng maraming tubig upang maiwasan ang food addiction. Kung minsan kasi, ang pagkauhaw ay naiha-halintulad natin sa pagkagutom.
Kaya kung bigla kang naghahanap ng pagkain, subukan ang pag-inom ng tubig.
PIGILAN ANG SARILING KUMAIN NANG KUMAIN
Isa pa sa paraan ay ang pagpigil sa sariling kumain nang kumain. May ilan kasing hindi naman gutom pero gusto lang kumain nang kumain o nasasanay nang may nginunguya.
PLANUHIN ANG KAKAININ
Mainam din ang pagpaplano ng mga kakainin upang masigurong healthy ang lalantakan. Maiiwasan din nito ang overeating.
Kapag alam din ang mga kakainin natin sa buong araw, maiiwasan natin ang pagkahilig sa pagkaing nakasasama sa katawan.
Nakatutulong din ang pagpaplano ng kakainin upang maiwasan ang temptasyon sa pagkain.
IWASAN ANG MAGUTOM NG SOBRA AT KUMAIN NG TAMA
Huwag din hayaang magutom ng sobra dahil paniguradong mapararami ang kain mo. Ang mabuting gawin para maiwasan ang food addiction ay ang pagkain ng tama at nasa oras.
Masarap nga naman ang kumain. Pero huwag naman sanang dahil sa kahiligan nating kumain ng kung ano-ano, lalo na iyong hindi mabuti sa katawan, maging dahilan pa ito ng ating pagkakasakit.
Masarap ang kumain. Pero siguraduhin din nating tama o sapat ang kinakain natin. Higit sa lahat, tiyakin nating masustansiya ang mga ito. (photos mula sa healthline, health.com, medicalnewstoday)
Comments are closed.