NGAYONG panahon ng COVID-19, kaliwa’t kanan ang admission sa mga hospital at punuan na ang mga hospital bed.
Sa emergency room kinakailangang unahin ng mga health worker ang grabe ang kondisyon.
Habang ang hindi malala ay maaari namang makapaghintay at maidadala naman sa outpatient department (OPD).
Ang ating mga health worker sa ospital ay masasabing “overwhelmed” na.
Dagdag pa rito ay ang takot na ang isang simpleng sakit ay maaring mauwi sa COVID-19 dahil sa exposure sa isang ospital.
Sa mga panahong ganito, importante na tayo ay ma-empower at mabigyan ang sarili ng kaalaman upang ang mga sakit na hindi naman ganoon kalala ay maaari nating magamot sa ating mga bahay.
Ang food allergy ay nangyayari kung ang ating immune system na siya ring ating panlaban sa sakit ay nagre-react ng mas grabe dahil tayo ay nakakain ng isang pagkain na mayroong “allergen”.
Ang pagiging allergic sa pagkain ay maaring mamana sa pamilya.
Ang ating katawan kapag na expose sa pagkain na kung saan tayo ay may allergy ay naglalabas ng “histamine” na siyang dahilan ng mga sintomas na ating nararamdaman.
Ang mga pagkaing tulad ng itlog, gatas, mani, isda, shellfish, wheat at soya ay ang mga pangkaraniwang sanhi ng food allergy sa isang tao.
Ang sintomas ng food allergy ay maaaring maging mild to severe, kailangan nating malaman kung ang atin bang nararamdaman ay nasa mild category lang o ito ay grabe na, dahil sa pamamagitan nito natin malalaman kung ito ba ay pwuede gamutin sa bahay o kailangan nang ipakonsulta sa isang doktor at isugod na sa ospital.
Ilan sa sintomas at senyales ng mild food allergy ay ang mga sumusunod: pangangati, konting rashes at mild na pagtatae, ito ay maaaring masolusyunan sa bahay sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na tinatawag na “antihistamine” tulad ng cetirizine, diphenhydramine, chlorphenamine at marami pang iba.
Ang mga gamot na nabanggit ay over the counter at hindi nangangailangan ng prescription sa isang doktor.
Kailangan din na ang taong may mild food allergy ay magpahinga, painumin ng maraming tubig, bigyan ng tamang ventilation ang kanyang kuwarto, at iwasan ang mga malalansa at maaalat na pagkain.
Kapag ang sintomas ng isang tao ay lumalala sa loob ng isang araw, o hindi nagresolba ang kanyang mga sintomas ng dalawa hanggang tatlong araw, doon tayo kinakailangan kumonsulta sa isang doctor.
Ang mga sintomas at senyales tulad ng hirap huminga, hindi makapagsalita, paos na pagsasalita, mababang blood pressure, mahinang pulso, maputlang kulay ng balat, paulit-ulit na pag-ubo, at grabeng pamamantal ng isang katawan ay senyales ng isang severe food allergy at ito rin ay maaring senyales ng
Isang “anaphylactic shock”.
Kapag ang isang tao ay nakaramdam ng mga nabanggit, ito ay hindi puwede gamutin sa bahay sapagkat kapag ito ay hindi agarang magamot, maaaring mamatay ang isang tao.
Kaya naman ang isang pasyente na mayroon nito ay kinakailangang isugod sa ospital.
o0o
Ibayong pag-iingat mga kababayan.
Kung mayroong katanungan, maari pong mag-email sa [email protected] o i-like at mag-message sa Medicus et Legem sa Facebook- Dr. Samuel A. Zacate
Comments are closed.