FOOD ASSISTANCE PARA SA 400 COVID-19 PATIENTS

Manila Mayor Isko Moreno

TINATAYANG nasa 400 ang nagpositibo sa COVID-19  sa isinagawang free mass swab testing kamakailan ng pamahalaang lokal ng Maynila sa mga driver ng  pedicabs, tricycyles, jeepneys at e-trikes, public market vendors at empleyado ng malls, hotels, restaurants at  supermarkets.

Ito ang ibinunyag mismo ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabing ito ay mula sa kabuuang 5,000 na sumailalim sa mass swab testing kaugnay na rin ng ipinalabas niyang executive order na  naglalayong protektahan ang mas nakakararaming mamamayan laban sa virus at pigilan ang pagkalat nito.

Ayon kay Moreno, ang mga nagpositibo ay agad na inasikaso at kasalukuyan ng mino-monitor at ginagamot, kaya naman naisipang  na magkaloob ng food assistance para sa loob ng 14 araw sa pamilya ng mga nagpositibo.

“Hindi marangya, pero hindi magugutom ang pamilya nila,” pahayag ni Moreno sa  food assistance na binubuo ng isang sakong bigas at grocery items, na agad rin ipinag-utos ang distribusyon.

Ayon sa alkalde ay marami sa mga nagpositibo sa mass swab testing ay breadwinner ng pamilya kung kayat karamihan sa mga ito ay nag-aalangan na sumailalim sa swab test.

Ikinuwento ni Moreno ang kaso ng isang breadwinner na ginagamot na kung saan ay kausap nito ng kanyang ama at sinasabi ng pasyente na huwag ng mag-alala dahil pinadalhan na sila ng pamahalaang lokal ng supply ng pagkain para sa dalawang linggo.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, susubukan naming akapin ang mas marami. Pag di na namin kaya, magsasabi kami,” pahayag ni Moreno, nang pasinayaan ang newly-renovated at pinalawak na  quarantine facility sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Binuksan ang nasabing pasilidad kung saan ang bed capacity ay dinagdagan at umabot na sa 66. Ito ay matapos ang inagurasyon ng San Andres Sports Complex quarantine facility kung saan ang bed capacity ay dinagdagan din at pinatatag ang pasilidad.

Ang free swab testing ay nakapaloob sa executive order ng alkalde na layuning protektahan ang napakaraming mamamayan sa lungsod laban sa coronavirus at pigilan ang pagkalat nito.

Sinabi pa ni Moreno na wala ng dapat ipangamba ang mga residente na kapag sila ay lumabas para magtrabaho, ay mahahawa sila ng virus sa mga tsuper ng jeepney o mga empleyado ng mga service-oriented establishments,  dahil ang mga ito ay sumailalim na sa swab testing. VERLIN RUIZ

Comments are closed.