MASARAP naman talaga ang kumain. Pero kung minsan, nasosobrahan na ang pagkain natin. May mga pagkakataon nga namang wala na tayong ibang gustong gawin kundi ang kumain nang kumain.
May mga panahon nga namang hanap tayo nang hanap ng pagkain. Para bang hindi tayo mapakali hangga’t hindi natin natitikman ang putahe o dessert na naiisip o kinatatakaman natin.
Oo nga’t napakasarap ang kumain. Oo nga’t tama lang na pagbigyan natin ang ating mga sariling kumain ng gusto natin. Pero dapat ay maging responsable tayo sa pagkain. Nangangahulugan lamang itong hindi porke’t gusto natin, lalantakan na lang natin. Isipin din natin kung mabuti ba ito sa katawan.
At dahil hindi naman talaga mapigil ng ilan ang maya’t mayang paghahanap ng makakain, narito ang ilang tips na puwedeng subukan nang matuldukan ang food cravings, o kung hindi man matuldukan ay mabawasan man lang:
KUMAIN NG MASARAP AT HEALTHY NA AGAHAN
Unang kailangang gawin ng mga taong palaging nagke-crave ay ang pagkain ng masarap at healthy na agahan.
Napakaimportante naman talaga sa kahit na sino ang pagkain ng breakfast. Pero kailangan ding maging mapili tayo sa ating kakainin. Hindi naman puwedeng basta’t makakain lang, kahit na ano ay lalantakan.
Importanteng sa umaga pa lamang ay healthy at masarap na ang iyong pipiliin nang maiwasang magu-tom kaagad.
Isa sa maaaring subukang agahan ang scrambled egg at whole-wheat bread. Iwasan naman ang sugary cereal para maiwasan ang madalas na paghahanap ng pagkain.
HUWAG MASYADONG MAGPAPAGUTOM
Iwasan din siyempre ang pagpapagutom ng sobra. Sakit na ng marami sa atin ang hindi pagkain ng breakfast.
Marami rin namang dahilan kung bakit hindi nakakakain ng almusal ang ilang Filipino. Una, dahil sa kaabalahan at pagmamadali. Ikalawa naman, dahil sa na-late ng gising. Ikatlo, maaaring dahil walang mailuto o walang nagluto kaya’t umaalis na lang ng bahay at nagtutungo sa office nang hindi nag-aalmusal o kumakain. At ang pang-apat, walang ganang kumain sa agahan.
Gayunpaman, anuman ang inyong dahilan, subukan pa rin ang pagkain ng almusal.
Para hindi rin mapasobra ang kain at hindi maya’t mayang maghanap ng mangunguya, iwasan o huwag na huwag magpapagutom.
Kung gutom na gutom ka nga naman, tiyak na mapararami ang kain mo sa susunod na meal. Maaari rin namang maging dahilan ang pagpapagutom ng sobra para mag-crave.
Para rin naman maiwasan ang magutom ng sobra, kumain sa oras, kumain din ng tama at higit sa lahat, maghanda lagi ng healthy snacks para magutom man, may makakain.
Mabuti na nga namang maging handa nang hindi kumain ng kung ano-ano lang gaya ng junk food o matatamis na pagkain.
GUMAWA NG FOOD JOURNAL
Malaki rin ang maitutulong ng paggawa ng journal upang mabawasan ang cravings. Sa pamamagitan din ng paggawa ng food journal, mate-trace mo ang mga araw, oras o panahong madalas kang nagke-crave o naghahanap ng iba’t ibang pagkain.
Alamin din ang fat at calorie content ng pagkaing kinukunsumo sa araw-araw at isulat ito sa iyong food journal.
Maaari rin namang ilagay o isulat sa iyong food journal ang mga pagkaing kinahihiligan mo, gayundin kung healthy ba ito o hindi.
HUWAG KALILIGTAAN ANG PAG-INOM NG TUBIG
Huwag ding kaliligtaan ang pag-inom ng maraming tubig sa araw-araw nang maiwasan ang cravings.
Kung naghahanap ka ng pagkain o nagke-crave ka kahit na wala pang isang oras nang kumain ka, subukan ang pag-inom ng maraming tubig.
Napakaraming benepisyo rin naman ng tubig kaya’t dapat lamang itong kahiligan ng kahit na sino.
Para rin maiwasan ang cravings, maaari ring makatulong ang pag-inom ng isang basong tubig bago ang meal o ang pagkain.
MAG-EHERSISYO AT MAGPAHINGA
Isa sa nagiging sanhi ng cravings ay ang kakulangan ng pahinga. Kaya naman, para maiwasan ito, siguraduhing nakapagpapahingang mabuti.
Siyempre pa, huwag ding kaliligtaan ang pag-eehersisyo dahil bukod sa mabuti ito sa katawan, maiibsan din nito ang nadaramang cravings.
LABANAN ANG CRAVINGS
Panghuli sa tip na nais naming ibahagi sa inyo ay ang paglaban sa cravings.
Mahirap nga namang hindian ang pagkain. Ilan sa madalas na hinahanap-hanap ng marami sa atin ay ang junk food, matataba at matatamis na pagkain. Kaysarap nga namang lantakan ng mga nasabing pagkain.
Gayunpaman, kailangan nating maingatan ang ating katawan o kalusugan.
Hindi lahat ng pagkaing kinatatakaman natin, mainam sa katawan. Maraming pagkain na masarap nga ngunit wala namang sustansiyang naibibigay o naidudulot.
Ang pinakamainam gawin para sa cravings ay ang matutunang labanan ito. At nasa kamay ng kahit na sino sa atin ang paraan upang malabanan ang cravings at tuluyan itong matuldukan. CT SARIGUMBA
Comments are closed.