CAVITE – ARESTADO ang isang delivery rider nang makuhanan ng droga sa ikinasang buy bust operation ng awtoridad Trece Martires.
Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas Mark, 37-anyos, delivery rider, residente ng Brgy. Mambog 1, Bacoor Cavite, at alyas “Charlie”, 41, construction worker, ng Paragon Village, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, Cavite.
Nakatakas naman ang may-ari ng bahay na hahatiran sana ng droga na isang babae na kinilala sa alyas “Mary”, 38, ng Paragon Village, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City.
Sa nakalap na ulat, alas-12:45 ng hapon nang ikasa ng PDEA Regional Office –RSET-1, sa pangunguna ni Police Inspector Marcial Calubaquib at PDEA Regional Office Cavite, team leader Inspector Ronnel Martinez, PDEA Regional Office 4-A at PNP PDEU-Cavite, PStaff Sgt. Rhealyn Lincallo ang isang buy-bust laban sa mga suspek.
Sa isinagawang surveillance operations, lumalabas na matagal na palang gawain ng mga suspek na mag-deliver ng shabu sa pamamagitan ng isang apps na magde-deliver ng pagkain.
Ayon sa mga kapitbahay, madalas umanong mag-deliver ang nasabing rider sa nasabing address na inakala lamang na mga pagkain ang idini-deliver nito.
Nakumpiska sa mga suspek ang may 100 gramo ng shabu na aabot sa halagang P680,000. Narekober din ang buy-bust money na ginamit at ang motorsiklo.
PMRT