Dessert na ‘di mahihindian ninuman
Ni CT SARIGUMBA
SABIHIN mang kailangan nating iwasan ang matatamis na pagkain, hindi pa rin natin mapigil-pigil ang ating sariling kahiligan ang mga ganitong klase ng dessert.
Nakapagpapaganda ng pakiramdam at nakapagpapaalis nga naman ng sama ng loob ang mga masasarap na pagkain. Kaya, kung inis tayo o malungkot, lagi’t laging matatamis o masasarap na pagkain at dessert ang hinahanap-hanap ng ating panlasa.
Isa sa talaga namang nakapagpapawala ng sama ng loob at pagod ay ang Food for the Gods. Pangalan pa lang, parang kay sarap nang tikman.
Ang dessert na ito ay tumpak na tumpak sa kahit na anong panahon. Malungkot ka man o masaya, puwedeng-puwede mo itong kainin.
Swak din itong kapartner ng coffee, hot tea o kaya naman hot chocolate.
At sa mga gustong malaman kung paano ito gawin, ang mga sangkap na kakailanganin sa paghahanda o paggawa nito ay ang 1 ¼ na tasang all-purpose flour, 1 tasang butter, 1 tasang granulated sugar, 1 tasang brown sugar, 3 pirasong itlog na katamtaman lang ang laki, ½ na kutsaritang baking soda, ½ na kutsaritang baking powedr, ¼ na kutsaritang asin, 1 tasang walnuts (chopped) at 1 tasang dates (chopped).
Paraan ng pagluluto:
Kapag naihanda mo na ang lahat ng mga kakailanganin nating sangkap, maaari na nating simulan ang paggawa nito.
Ang una lamang dapat gawin ay paghaluin sa isang mixing bowl ang flour, baking powder, baking soda at asin.
Sa isa pang bukod na lalagyan, tunawin naman ang butter, paunti-unti ay ilagay ang white and brown sugar habang hinahalo itong mabuti. Haluin lamang hanggang sa maging fluffy ang mixture.
Pagkatapos ay batihin na rin sa ginawang mixture ang itlog. Haluin ulit nang mabuti. Habang hinahalo ay paunti-unting ilagay ang pinaghalong flour, baking powder at asin, Huwag pa ring titigilan ang paghahalo.
Kailangang halong-halo ang mga sangkap. Ilagay na rin ang dates at walnuts. Pagkatapos ay painitin ang oven sa 350 degrees Fahrenheit. Lagyan ng oil o butter ang baking pan at saka ilagay ang ginawang mixture. I-bake ito sa loob ng 10 minuto.
Pagkalipas ng 10 minuto, ibaba sa 300 ang temperature ng oven at ituloy lang ang pagbe-bake hanggang sa ito ay maluto. Kapag natiyak mong luto na, alisin na ito sa oven at palamigin o kaya naman ay ihanda sa iyong mga mahal sa buhay.
Hindi ba’t simpleng-simple lang. Puwede ka pang magpatulong sa buong pamilya sa paggawa nito. Nagkaroon na kayo ng bonding, naturuan mo pa silang mag-bake ng Food for the Gods.
Tiyak ding mag-e-enjoy silang kainin ito dahil kasama silang gumawa o nagluto. Panigurado ring hindi mo mapipigil ang sarili mong kumain na lang nang kumain sa kakaibang sarap na dulot nito sa ating panlasa.
Pero siyempre, kahit na gaano kasarap ang isang dessert, dahan-dahan pa rin. Mahirap na ang tumaba ng sobra.
Kapag pa naman hindi natin napigil ang sarili sa pagkain, pagtaba ang nagiging sanhi o epekto nito. May iba pa namang kababaihan na kapag tumaba na ay hirap na hirap nang magbawas ng timbang.
Pero kahit na sabihing hindi natin matanggihan ang panghahalina sa atin ng mga masasarap na dessert, pigil-pigilin pa rin natin ang ating sarili. Tama lang dapat ang kainin natin. Hindi labis, hindi rin naman kulang.
Comments are closed.