FOOD HUB SOLUSYON SA MALNUTRISYON

MAGANDA ang pinaplano ng pamahalaan na itayo at palawakin ang food hub sa bansa.

Ito ay upang ibsan ang kagutuman at malnutrisyon sa bansa.

Bukod pa rito ang pag-arangkada ng pilot selling ng P29 na presyo sa kada kilo ng bigas sa susunod na buwan.

Kahit pili lamang ang pagtitindahan ng murang bigas, malaking tulong na rin ito lalo na sa mga benepisyaryo ng 4Ps, senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Samantala, ang pagpapalawak ng food hub ay hindi lamang ang mga consumer ang makikinabang kundi maging ang mga magsasaka na rin.

Ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kung makapagtatayo ng mga food hub, maaari nang dalhin dito ng mga magsasaka at kooperatiba ang kanilang mga produktong pang-agrikultura at maaaring direktang bumili rito ang mga konsyumer.

Mas mapapadali rin, aniya, ang transaksyon sa pagitan ng mga magsasaka at mga konsyumer o mga trader, dahil direkta na ang bilihan ng mga produkto.

Matitiyak din ang sapat na supply ng agri products dahil tiyak na magiging regular ang pag-supply ng mga magsasaka.

Sakaling matupad ang hakbang, malaking tulong ito sa mamamayang Pinoy.

Nawa’y maisakatuparan ito nang walang sagabal.