DAVAO CITY- ABSUWELTO na ang Davao City Water District nang iisantabi ang isyu na water contamination ang sanhi ng diarrhea outbreak sa Toril district na nakapagtala ng 217 na kaso mula sa 25 na mga apektadong barangay.
Sa anunsiyo ng hepe ng Davao City Health Office na si Dr. Ashley Lopez base sa na-consolidate na imbestigasyon mula sa Epidemiology Bureau ng Department of Health, DCWD at ng City Government of Davao, kinumpirma nito na food contamination at hindi ang tubig mula sa DCWD ang dahilan ng diarrhea outbreak sa Toril.
Aniya, sa kanilang imbestigasyon, ang tapioca mula sa Night Market ng Toril ang nangungunang dahilan sa diarrhea kung saan kadalasan sa mga pasyente na na-ospital ang kumpirmadong nakakain nito.
Habang pangalawang pinagsususpetsahan naman ay ang nakaing isaw ng mga biktima.
Kaugnay nito, umabot sa anim ang namatay ng Diarrhea outbreak kung saan pinakahuli ay ang isang 27-anyos na lalaki na residente ng Sitio Marapangi Toril na kinumpirma din ni Dr. Lopez na nakakain din ito ng Tapioca, isaw at corndog sa Rasay St. nitong Hulyo 15 kung saan kalaunan ay nakaranas din ito ng signs and symptoms ng Diarrhea.
Namatay ang nasabing pasyente dahil sa cardio pulmonary arrest secondary to severe dehydration na sa ngayon nasa 48 na lamang ang ginagamot sa nasabing sakit. EUNICE CELARIO