FOOD SECURITY PRAYORIDAD NG PBBM ADMIN

NIHAYAG ni Executive Secretary Vic Rodriguez na isa sa prayoridad ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Si Rodriguez ay dumalo sa pagdinig sa Senado nitong Martes sa isinagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersiyal ng tangkang illegal importation ng asukal sa bansa.

“There is nothing more important than food security and its availability to the most ordinary Filipino,” ani Rodriguez sa mga mambabatas.

Sinabi ng opisyal na sinsero ang pamahalaan para mapabuti ang presyo ng bilihin sa bansa. “To achieve our goal that no Filipino would get hungry, because if neglected, it might cause social unrest.”

Ang ‘annual inflation rate’ ng bansa ay tumaas ng 6.4 percent nitong Hulyo 2022 mula sa 6.1 percent nitong Hunyo. Ito ang pinakamataas mula noong October 2018 kung saan ay sinabi ng mga eksperto na dahil ito sa giyera ng Russia at Ukraine.

Kabi-kabilang paraan ang ginagawa ng pamahalaan upang matugunan ang labis na pagtaas ng presyo ng bilihin. Isa na rito ay ang pakikipag-usap sa mga may-ari ng malalaking supermarket sa bansa, tulad ng SM, Robinson at Puregold na tumugon sa ipinangakong ibaba hanggang P70 per kilo ang presyo ng asukal mula sa dating P110.

Bukod dito, walang humpay ang isinagawang operasyon ng mga awtoridad upang mahuli naman ang mga hoarder ng asukal na kumikita ng malaki mula sa artificial shortage.