FOOD SECURITY SUMMIT IPATATAWAG NG MALAKANYANG

Presidential Spokesman Harry Roque

UPANG matutukan ang malakas na food supply at maabot ang layunin na zero hunger ay magpapatawag ang Malakanyang ng Food Security Summit.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, itinalaga ang Department of Agriculture (DA) bilang lead agency para maipagpatuloy ang pagpapalakas at pagsusulong na umangat ang agri-fishery sector sa pamamagitan ng  kooperasyon, koordinasyon at pakikipagtulungan ng local government units (LGUs) at maging ng mga industry player sa pribadong  sektor  at  stakeholders.

Sinabi ni Roque na layunin din ng Food Security Summit  ang pagbabalangkas ng mga gagawing hakbang para mapagaan o maibsan ang mga balakid na kinaharap ng agricultural sector gaya ng pagtaas ng bilihin, lalo na ang karne ng baboy, pagbaba ng farmgate price ng palay at ang epekto ng  African Swine Flu (ASF) at iba pa.

Ayon kay Roque, inaasahang makapaglalatag ng mga kinakailangang hakbang para sa  agribusiness upang maisulong ang agri-fishery extension system sa ilalim ng LGUs at sa pagpapalakas sa tungkulin at kapasidad ng  local price coordinating councils at regional development councils.

Ang pagbuo sa Food Summit ay bahagi ng pagkilos ni Pangulong Rodrigo Duterte para malikha ang  National Food Security Plan upang makamit ang saganang pagkain sa bawat mesa ng pamilya ng Filipino kasabay ng matatag na hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda na pangunahing sektor ng agrikultura. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.