FOOD SHORTAGE NAKAAMBA

PINANGANGAMBAHANG makaranas ng food shortage ang sambayanang Filipino sa mga susunod na dekada at dumepende na lamang sa importasyon.

Ito ay dahil nabawasan na ng halos kalahati ang lawak ng mga lupang sakahan sa Filipinas.

Sa pag-aaral bunsod na rin ng nagaganap na land conversion o talamak na pagsulputan ng mga residential subdivision ay lumitaw na lumiit ang mga lupang sakahan sa bansa sa nakalipas na  32 taon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 48% ang bilang ng lupang sinasaka o agrikultura sa bansa.

Mula sa 3.65 mil­yong ektarya noong 1980, nasa 1.90 milyong ektarya na lang ang natira sa mga lupain noong 2012. Katumbas nito ang 1.7 milyong ektarya ng lupang sakahan na nawala sa bansa.

Pangunahing apektado ng pagkaunti ng mga lupaing pangsakahan ang produksiyon ng bigas sa bansa.

Sa isang ektaryang sakahan, tinatayang 40 sako ng bigas ang maaaring anihin.

Ayon sa PSA, ang pagkaunti ng sakahan ay dulot na rin ng pag­himok ng mga magsasaka sa kanilang mga anak na huwag magsaka.

Bunsod din ito ng ilang mga nagbenta ng kanilang lupain sa real estate developers. VERLIN RUIZ

Comments are closed.