FOOD SUPPLY CHAIN PROGRAM INILUNSAD

LUMAGDA sa memorandum of agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas at Department of Agriculture (DA) para sa paglulunsad ng Enhanced Kadiwa Inclusive Food Supply Chain Program na sisiguro sa pagkakaroon ng suplay ng mga pagkain sa panahon ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19.

Sa ilalim ng naturang kasunduan, ang DA ang magbibigay ng financial grant assistance sa mga kalahok na matatanggap na organisasyon at local government units (LGUs) upang mapalakas pa ang kanilang kapasidad sa aktibidad ng food supply chains mula sa aggregation, processing, packing, store, warehousing at distribusyon.

Ang project description sa ilalim ng kasunduan ay sumesentro sa implementasyon ng dalawang KADIWA Stores sa lungsod kung saan ang layunin ng naturang proyekto ay magkaroon ang mga napiling market vendors ng sariling pondo para sa pagtatayo at pagsasaayos ng KADIWA store.

Sa pagbibigay ng suporta sa naturang proyekto, ang DA ay magpapadala ng pondo sa lungsod para sa Pagsasarili Talipapa Multi-purpose Cooperative at Las Piñas Meat Dealers Association kung saan makatatanggap ang dalawang organisasyon ng tig-P1 milyon.

Sa naturang kasunduan, ang obligasyon ng DA mula sa kanilang Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay ang pagbibigay ng financial grant sa lungsod ng halagang P2,000,000 na popondohan sa ilalim ng Market Development Services ng FY 2021 General Appropriation Act 11518.

Ang pondo ng DA para sa financial grant ay gagamitin sa implementasyon ng “Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance Program” na ipagkakaloob kaugnay sa inaprubahang project proposal gayundin sa work at financial plan na nakapaloob sa kasunduan.

Ang pagbibigay ng pondo na manggagaling sa DA ay maaaring ipagkaloob ng buo o unti-unti depende sa nature at pangangailangan ng proyekto. MARIVIC FERNANDEZ