FOOD SUPPLY TUTUTUKAN NG ADMINISTRASYONG MARCOS

SA HUNYO 30 ngayong taon, uupo na sa kanyang trono si President-elect Bongbong Marcos.

Positibo ang mga reaksiyon ng mga lider sa mundo sa pagkapanalo ni Marcos.

Kaliwa’t kanan ang hirit na courtesy calls mula sa mga world leader.

Wala nang legal na balakid sa pag-upo ng bagong Pangulo ng bansa.

May pending disqualification case man sa Supreme Court, hindi malayong ibabasura rin ito ng mga mahistrado sa mga susunod na araw.

Ngunit sa kanyang napipintong pag-upo, sala-salabat din ang mga hamong kinakaharap ng bago nating Presidente, kasama na riyan ang kahirapan o kagutuman.

Matagal nang may nagugutom na mga Pilipino.

Hindi na ito bago sa atin.

Aba’y hindi rin maitatanggi na mas dumami pa ang mga nagugutom nang pumasok ang pandemya noong 2020.

Nagkaroon pa nga ng survey ang Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2020 kung saan lumabas na anim sa bawat 10 Pinoy ay nakaranas ng kakulangan sa pagkain o nagugutom.

Ibig sabihin, hindi sapat ang pagkaing nasa hapag-kainan nila.

Nasa 71.7 percent daw ng pamilya ay nakakabili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang.

Tinatayang 66.3 percent naman ang nangungutang sa kanilang kamag-anak o kapitbahay para ipambili ng pagkain ng kanilang pamilya.

Noong unang bahagi ng krisis, mas marami ang halos walang makain nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Ubod nang dami ang mga nawalan ng trabaho bunga ng pagsasara ng mga pabrika at kompanya.

Namigay man ng ayuda ang pamahalaan, hindi maitatatwa na hindi pa rin sapat iyon para sa lahat.

Maliwanag na nakita na maraming gutom batay sa bilang ng mga taong humugos sa community pantries.

Noong mga panahong iyon, kahit abutin ng madaling araw sa pila ay okey lang, makakuha lang sila ng pagkain.

Naku, hindi pa man nakakaupo sa puwesto si PBBM, nagbabala na ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng krisis sa pagkain.

Kabilang sa mga posibleng paraan daw para makaiwas tayo sa krisis ay ang pagbabawal ng food exports. Ibig sabihin, ang mga pagkaing gawa natin ay dapat sa atin lang mapunta ngayong panahong nakakaranas tayo ng kakulangan sa suplay.

Kung hindi ako nagkakamali, ang pinakahuling bansa sa Asya na nagpapatupad ng food exports ban ay ang Malaysia.

Mahusay ang poultry export ban na ito na pinaniniwalaang tugon sa tumataas na domestic prices.

Kahit malinaw sa General Agreement on Tariffs and Trade na inoobliga ang World Trade Organization (WTO) members na iwasan ang lahat ng uri ng prohibitions at quantitative restrictions sa food exports, pinapayagan naman ito na pansamantalang gawin bilang panlaban sa krisis at food shortage.

At dahil layunin ng Marcos administration na magkaroon ng stable food supply, mahalagang pandaying maigi ang mga polisiya na may kinalaman sa agrikultura.

Ang babala ng DA ukol sa krisis ay tila nag-aanyaya pa nga sa smuggling operators kaya importanteng maging matalino rin si Marcos sa pagpili ng bagong kalihim ng ahensiyang naturan.

Huwag maglagay sa agri department ng opisyal na pawang pag-aangkat lang ng mga produkto ang nasa kukote.

Anong silbi ng pagiging agri country ng Pilipinas kung sasayangin lamang natin ang mga sakahan at taniman ng palay?