(ni CT SARIGUMBA)
HINDI lamang outfit o fashion trends ang inaabangan ng maraming Filipino kundi ang mga mauusong pagkain ngayong 2020. Mga pagkaing tiyak na magpapangiti na naman sa ating sikmura at pisngi.
Paniguradong marami na namang pagkain ang lalabas sa merkado na bago sa ating panlasa at paningin. Dahil nga naman sa pagiging creative ng bawat Pinoy, lagi’t lagi tayong nakatutuklas ng mga pagkaing bukod sa walang kasinsarap, abot-kaya pa ito sa bulsa at mainam sa kalusugan ng ating pamilya.
Sa paghahanda nga naman natin ng bawat lutuin para sa pamilya man o sa mga customer, kailangang hindi lamang lasa ang isinasaalang-alang gayundin ang kabutihang dulot nito sa kalusugan. Oo nga’t kayraming pagkaing napakasarap at halos hindi natin mahindian kapag nakahain sa ating harapan. Ngunit sabihin na nating masarap, baka naman matapos tayong kumain ay maghingalo ang ating kalusugan.
Walang masama ang kumain ngunit lagi nating tatandaan na lahat ng sobra ay malaki ang epekto nito sa ating kalusugan.
Kailangang maging health conscious tayo lalo na’t hindi naman tayo bumabata. Kailangang alagaan natin ang ating mga sarili nang mas ma-enjoy natin ang buhay.
Kaya naman, narito ang maaaring kahiligan o papatok na klase ng pagkain ngayong taon:
ORGANIC FOOD
Isa sa paniguradong kahihiligan ng marami ngayong taon ang organic food. Health conscious na nga naman ang marami sa atin kaya’t nag-iingat na sa mga kakainin. Panigurado ring may mga restaurant na mag-o-offer nang organic food para may mapagpilian ang maraming customer.
Kunsabagay, hindi lang naman ngayong taon kinahihiligan ang organic food.
Ang term na “organic” ay ang proseso kung paano pino-produce ang isang pagkain o food. Pinatutubo ang organic food nang hindi gumagamit ng artificial chemicals. Para mapabilang sa organic ang isang food product, kailangang free ito sa artificial food additives kabilang dito ang artificial sweet-eners, preservatives, coloring, flavoring at monosodium glutamate o MSG.
Lumalabas sa ilang pag-aaral na ang mga organic food ay mas maraming health benefits.
PROBIOTIC FOOD
Napakahalaga ang pagkakaroon ng maayos na digestive system. Malaki ang impact o naitutulong ng probiotic food gaya ng yogurt upang umayos ang ating digestive system. Dahil din sa magiging popular ngayong taon ang mga probiotic food ay paniguradong maraming restaurant ang mag-o-offer nito sa kanilang customer.
Makikita rin ito sa food shelves ng mga pamilihan.
Bukod sa yogurt, ilan pa sa nabibilang o kasama sa probiotic food ang kimchi. Marami sa atin ang nahihilig sa kimchi. Isa itong spicy Korean side dish na kadalasan ay gawa sa fermented cabbage. Ang lactic acid bacteria na taglay nito ay nakatutulong sa digestive health.
Ilan pa sa probiotic food ang fermented beans, dairy at vegetables.
VEGAN COMFORT FOOD
Hindi nga naman nawawala sa dapat na kinahihiligan ng marami sa atin ang mga pagkaing gawa sa vegetables o gulay. Isa nga naman ang gulay sa nararapat lamang nating isama sa ating diyeta nang makamit natin ang malakas at malusog na pangangatawan.
Kaya naman, isa sa kahihiligan ng maraming Pinoy ngayong taon ang mga Vegan Comfort Food.
Ilan sa magkakaroon ng vegan version ng mga lutuin ay ang fettuccini, macaroni and cheese at alfredo.
Masarap ang kumain ngunit maghinay-hinay tayo. Isipin natin ang ating kapakanan, gayundin ang kinabukasan ng ating pamilya. (photos mula sa nutritionaloutlook.com, parade.com, geneticliteracyproject)
Comments are closed.