(Ni CT SARIGUMBA)
KAGANDAHAN ang nakapagpapaengganyo sa ating magtungo sa isang lugar. Kung hindi nga naman kaakit-akit ang isang pook, ‘di natin darayuhin. Kaya naman, sa tuwing mag-iisip tayo ng mga lugar na swak pasyalan, lagi’t laging nangunguna sa ating listahan ang kagandahan nito. Kasunod na roon kung abot-kaya ba ito sa bulsa.
Mas magiging exciting nga naman ang pagtungo natin sa isang lugar kung nakamamangha ang mabubungaran natin. Bukod sa nakapagpapaligaya ito sa paningin, nakapagpapagaan din ng pakiramdam.
Excited ang marami sa atin sa tuwing magtutungo tayo sa ibang lugar. Pero may isang kadalasang nakaliligtaan o hindi gaanong napagtutuunan ng pansin—ang ating mga paa.
Kaya naman, para mas maging masaya ang pamamasyal, narito ang ilang foot care tips na nais naming ibahagi sa inyo:
MAGDALA NG KOMPORTABLE AT SWAK NA SAPATOS
Kapag magta-travel tayo o magtutungo sa ibang lugar, gusto nating pumorma. Kumbaga, pinag-iisipan natin kung anong outfit ang dadalhin natin at susuotin sa bawat pagkakataon.
Gusto nga naman nating maging presentable at maganda sa paningin ng marami. Gayunpaman, pagdating sa damit, gayundin sa sapatos na ating susuotin, napakahalagang komportable ito. Hindi sapat na maganda ang suot mong outfit. Mas mainam kung komportable ito nang makapag-enjoy ka ng todo.
Bukod sa pagiging komportable, dapat ding swak ito sa okasyon o activities. Kumbaga, kung maglalakad kayo ng matagalan, sapatos na swak sa ganoong activity ang dalhin mo kung magta-travel. Sabihin mang maganda ang mga open-toe at may takong na sapatos, hindi pa rin ito akmang suotin o dalhin. Mas mainam kung ang mga klase ng sapatos na dadalhin ay sup-portive at closed-toed athletic shoes
PILIIN ANG SWAK NA MEDYAS
Maraming klase ng medyas sa panahon ngayon. Sa pagbili, hindi lamang kulay o design ang dapat nating gawing batayan kundi kung komportable ba ito at makatatagal sa matagalang lakaran.
Piliin din ang medyas na malambot at makapal nang hindi magkaroon ng paltos. Kailangan ding kasyang-kasya sa paa ang medyas.
Magdala rin ng ilang pares sa pupuntahang lugar. Huwag isusuot ang medyas na naisuot na nang maiwasan ang pagkakaroon ng amoy ng paa at pangangati.
Makatutulong din ang pagsusuot ng padded socks para maiwasan ang blister o pagpapaltos ng mga paa.
IPAHINGA ANG PAA AT MAGDALA NG FOOT FIRST-AID KIT
Kapag naramdamang nangingirot na ang paa, ipahinga na muna ito at i-stretch. Maaari ring ipa-massage nang guminhawa ang pakiramdam.
Para rin maging handa sa lahat ng pagkakataon, mainam din ang pagdadala ng foot first-aid kit gaya ng adhesive bandages o gauze, antifungal cream at powder para maiwasan ang athlete’s foot.
SIGURADUHING MALINIS ANG SAPATOS
Para rin mapangalagaan natin ang ating mga paa, importante ring napananatili nating malinis ang ating sapatos. Kaya saan ka man tutungo, tiyaking malinis, maayos, mabango at hindi basa ang iyong sapatos nang maiwasan ang kahit na anong problema sa paa gaya na lang ng pagkakaroon ng atlete’s foot at pagkakaroon ng amoy ng paa.
Nang maiwasan o mawala ang amoy ng sapatos, linisin ito gamit ang alcohol. Mainam din kung bago magsuot ng medyas at sapatos ay lalagyan muna ng powder ang paa. Magandang paraan ito upang hindi magkaroon ng amoy ang paa.
REGULAR NA LINISIN ANG MGA PAA
Isa pa rin sa pinakamahalaga at hindi dapat kinaliligtaan ang paglilinis ng mga paa. My mga panahong kinatatamaran natin ang paghugas ng mga paa lalo na kung pagod na pagod tayo.
Mahalagang regular nating nalilinis ang ating mga paa. Hindi lamang para mapanatili itong malinis kundi upang maging maayos ang sirkulasyon ng dugo at pag-stimulate ng muscles.
Mas makapagpapahinga rin ng maayos ang mga paa lalo na kung malinis ito.
(photos mula sa expertreviews.co.uk, nearsay.com, kcfoot.com)
Comments are closed.