DAHIL sa malakas na lindol na naranasan sa Cataingan, Masbate ay agad na ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagpapalikas sa mga residente na malapit sa coastal area dulot na rin ng biglang pagbaba ng lupa.
Ayon kay Cataingan Mayor Felipe Cabataña, nasa faultline ang sinasabing coastal barangay na unti-unting lumulubog at lumalambot ang lupa na malapit sa Barangay Matayum.
“May isang phenomena na ‘di namin maintindihan. Merong lugar dito na nasa faultline, Barangay Matayum. Merong isang sitio doon na malapit sa dagat na parang bumaba ang lupa, ang tubig umakyat na sa kabahayan, pumupunta na sa kabahayan. Very apparent na bumagsak ang lupa,” paliwanag ni Cabataña.
Gayundin, aniya, marami pang mga kalsada ang nakitaan ng mga bitak-bitak.
Ayon naman kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum, nararapat lamang ang naging desisyon na palikasin ang mga residente na malapit sa baybaying dagat.
Ipinaliwanag nito, mararanasan ang sinasabing biglang paglubog ng lupa dulot na rin ng malakas na paglindol at aftershocks na nangyari na rin noong 2003.
“Ang isang dahilan po d’yan dahil coastal area ‘yan, mabuhangin, kapag malakas ang pagyanig ‘yung mga buhangin nasisiksik at nako-compact bababa yung lupa, relatively aakyat yung tubig dagat,” ani Solidum.
“Pwede rin pong dahil malapit sa fault, pwedeng may relation, may konting vertical movement pababa ang lupa,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Solidum, magiging delikado ang sitwasyon sa nasabing lugar na matinding naapektuhan ng lindol sanhi na rin ng marami pang aftershocks.
“Merong malakas, merong mahina pero ang interval every 2 to 3 hours. May order ako sa mga residente na huwag munang bumalik sa mga mga bahay nila kasi delikado pa,” aniya.
Kasabay nito, humingi ng tulong si Cabataña sa pamahalaan para sa temporary shelter ng mga apektadong pamilya.
“Talagang pinaka-urgent naming pangangailangan ngayon ay ang temporary shelter, iyong mga tent ”, anito.
Dagdag pa nito,maliit lamang ang kanilang evacuation center kung kaya’t mahirap ang pagpatutupad ng social distancing ngayong panahon ng pandemya.
Malaking hamon din aniya sa kanila ang naiwang pinsala ng lindol sa kanilang lugar kasabay ng banta ng COVID-19 sa kalusugan.
“Pangalawang problema namin, iyong quarantine facilities namin, nasira. Tapos, nagpapadala pa sila ng mga LSI. Naku! Saan namin ilalagay iyong mga LSI?” ani Mayor Cabataña.
Comments are closed.