HANDA na ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa pagdaraos ng ICTSI Philippine Athletics Championships sa March 21-26 sa Ilagan, Isabela.
Ang event, dating kilala bilang PATAFA National Open, ay may nakatayang 165 medalya sa 80 events sa Open Elite, Under-20 at Under-18 groups.
Limang SEA Games countries – Malaysia, Vietnam, Thailand, Indonesia at Brunei – ang magpapadala ng entries bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Cambodia SEA Games na gaganapin sa Mayo 5-17.
Sinabi ni Reli de Leon, special assistant to PATAFA president Terry Capistrano, na umaasa silang nasa 80 foreign athletes ang makakasagupa ng top bets ng bansa, kabilang ang 15 Fil-foreigners na sasabak din sa SEA Games.
Dahil dito, ang event ay magiging magandang preview ng biennial event sa Cambodia.
“After this event, we will know where we are towards the SEA Games,” sabi ni De Leon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.
Dumalo rin sina Edward Kho, secretary-general ng PATAFA, at national coach Jojo Posadas sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, MILO, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi ni Kho na kasama ang lahat ng atleta mula sa iba’t ibang lalawigan at LGUs, inaasahan nila ang hanggang 800 kalahok na magbabakbakan sa Isabela.
“We’re ready to go. No stone left unturned. Magandang laban ito and this could be a preview of what’s in store in the SEA Games,” ani Kho.
Si long jump queen Elma Muros-Posadas ang magdadala ng torch sa opening ceremony na dadaluhan din ni Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann.