FOREIGN BIZMEN BINALAAN

Isko Moreno3

BAGO ang pagpasok ng Bagong Taon ay binalaan ang mga  dayuhang nagnenegosyo sa Maynila na ‘di nagbabayad ng buwis at ‘di sumusunod sa mga panuntunan at batas na ipasasara ang kanilang mga etablisimiyento.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hindi siya mangingiming ipasara ang negosyo ng mga dayuhan sa Filipinas na mapatutunayang nandaraya sa pagbabayad ng  buwis at hindi tumatalima sa lahat ng panuntunan at mga  batas.

Ang babala ay ginawa ng alkalde matapos na makatanggap ng ulat na ilang manggagawa ang hindi nabibigyan ng tamang bayad at benepisyo.

“If you are chaotic in your country, don’t bring it here. As long as you pay the right taxes, follow rules, live and let live tayo,” pahayag pa ng alkalde.

“Ayoko na banyaga na nga kayo, aapihin n’yo pa ang Filipino pagdating sa suweldo nila. Don’t hire if you cannot pay what they deserve—SSS, Pag-Ibig– or I will close your shop,” babala pa ng alkalde.

Ayon pa kay Moreno, hanggang maaari ay ayaw niyang gumawa ng malupit na hakbang kaya binabalaan muna niya ang mga foreign investor at businessman.

Subalit sa kabila ng kanyang mga  babala at ipinagpatuloy pa rin ng mga ito ang kanilang mga maling gawain ay wala na, aniya, siyang magagawa kundi ang gumawa ng kaukulang aksiyon laban dito.

“Now if despite our warning the injustice or wrongdoing persists, then there is no more reason for those who will be affected by the actions of the city government to complain,” ayon pa kay Moreno.

Samantala, nanawagan din ang alkalde sa mga establisimiyento na bigyan ang senior citizens at persons with disability ng pagkakataon na maging produktibong mamamayan ng Maynila sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga ito na makapagtrabaho.  VERLIN RUIZ