NAGPAHAYAG ng pangamba ang senior vice-chairman ng House Committee on Public Works and Highways sa inaasahang pagdami ng foreign-owned construction firms na pahihintulutang makapag-operate sa bansa.
Ayon kay Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist Rep. Romeo Momo Sr., kasunod ng ipinalabas na desisyon ng Supreme Court En Banc sa petition for review na inihain ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), itinuturing na walang bisa ang Section 3.1 Rule 3 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 4566 o ang Philippine Licensing Board for Contractors Law.
Sinasabi sa naturang SC ruling na walang partikular na probisyon sa naturang batas na nagbabawal sa mga dayuhang construction company na kumuha ng local license, kabilang ang ibinigay ng PCAB.
Dahil dito, naniniwala si Momo na maaari na ngayong kumuha ng PCAB license ang foreign-owned firms at ang mga ito ay kuwalipikado na ring sumali sa public bidding ng alinmang government o private construction projects.
Kaya naman nababahala ang kongresista na dumagsa sa bansa ang mga dayuhang kompanya at ang maaapektuhan nito ay ang local construction industry, kasama na rin ang mga Filipino construction worker.
“The SC’s decision comes at a time when growth of the construction industry in 2020 is expected to slow down to 1.2% from the 8.0% measured before the COVID-19 outbreak,” malungkot na sabi ni Momo kung saan binigyang-diin niya ang patuloy na mataas na pagkilala at pagrespeto niya sa High Tribunal.
“And to exacerbate the issue, the government decided to slash its capital outlays by 3 percent, or up to P775.1 billion from P800.6 billion. Such has only underscored how small businesses, including small construction firms, remain among the hardest hit during this pandemic,” dagdag pa niya.
Dahil dito, tiniyak ni Momo na pangungunahan niya ang hakbang para maamyendahan ang RA 4566, partikular ang pagkakaroon ng probisyon na magsusulong sa kapakapanan, proteksiyon at patuloy na pag-unlad ng local construction industry lalong-lalo na ang milyon-milyong Filipino construction workers. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.