FOREIGN CURRENCY DEPOSIT UNITS LENDING BUMABA SA Q2 2024

BUMABA ang outstanding loans na ipinagkaloob ng Foreign Currency Deposit Units (FCDU) ng mga bangko sa second quarter ng 2024 makaraang mahigitan ng principal repayments ang disbursements.

Sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumitaw na ang FCDU lending ay umabot sa USD15.63 billion hanggang noong katapusan ng Hunyo, bumaba mula sa USD16.07 billion end-March level.

Gayunman, tumaas ang FCDU loans ng 1.6 percent mula sa end-June 2023 level na USD15.39 billion.

Ang FCDU maturity loan portfolio ay nanatiling nakararami ang medium- to long-term o yaong maaaring bayaran sa loob ng mahigit isang taon.

Sa kabuuang FCDU loans, ang ipinagkaloob sa mga residente ay bumubuo sa 60.7 percent o USD9.48 billion.

Ayon sa BSP, karamihan sa mga ito ay napunta sa merchandise and service exporters (USD2.49 billion o 26.2 percent); power generation companies (USD2.12 billion o 22.4 percent); at towing, tanker, trucking, forwarding, personal and other industries (USD1.68 billion o 17.7 percent).

Samantala, ang disbursements ay umabot sa USD19.90 billion, tumaas ng 3.9 percent mula USD19.15 billion sa naunang quarter dahil sa pagtaas sa funding requirements ng isang foreign bank branch affiliate.

Tumaas ang loan repayments na nagkakahalaga ng USD20.33 billion ng 11.5 percent mula USD18.23 billion sa naunang quarter, na nagresulta sa overall net repayment.

Samantala, umabot ang liabilities sa USD55.16 billion, bumaba ng 5.9 percent mula sa end-March 2024 level na USD58.61 billion.

Ayon sa BSP, malaking bahagi ng deposits ay patuloy na pagmamay-ari ng mga residente.

Ang FCDU deposit liabilities ay tumaas ng 12.6 percent year-on-year mula sa end-June 2023 level na USD48.99 billion. ULAT MULA SA PNA