NAGTALA ang foreign investment commitments o pledges ng double-digit decline sa third quarter ng taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, ang kabuuang foreign investment pledges ay nasa P13.05 billion noong Hulyo hanggang Setyembre, bumaba ng 22.4% mula P16.82 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang kabuuang investment pledges ay inaprubahan ng apat na investment promotion agencies (IPAs) na kinabibilangan ng Board of Investments (BOI), Clark Development Corporation (CDC), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sa pahayag ni Trade Undersecretary Ana Carolina Sanchez sa GMA News Online, ang pagbaba sa investment pledges sa third quarter ay resulta ng global recession na itinulak ng tumataas na inflation at interest rates, at energy prices mula sa Russia-Ukraine war.
Karamihan sa foreign investment commitments para sa third quarter ay nagmula sa Japan, na bumubuo sa 34.5% ng kabuuan, kasunod ang South Korea (15.5%) at Singapore (12.6%).
Ang Japan ay nag-commit ng P4.50 billion habang ang South Korea at Singapore ay may P2.02 billion at P1.64 billion, ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa PSA, ang manufacturing ay tatanggap ng P7.20 billion o 55.2% ng kabuuang pledges, kasunod ang
Administrative and Support Service Activities na investment commitments na nagkakahalaga ng P3.38 billion o 25.9% share, at Real Estate Activities na may P1.35 billion o10.3% contribution sa kabuuan.