FOREIGN RELATIONS NI GAT KA BLAS OPLE NAGPATAAS SA REPUTASYON NG PILIPINAS SA MUNDO

SUMENTRO ang pagdiriwang ng Ika-97 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Senate President Blas F. Ople, sa pagdalumat ng kanyang malalaking ambag sa foreign relations ng Pilipinas noong siya’y manungkulan din bilang secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose De Vega, na kumatawan kay Secretary Enrique Manalo bilang panauhing pandangal, ang mga natatanging pamana ni Ople ay lalong nagpataas sa reputasyon ng Pilipinas sa international community.

Naging mainit naman ang pagtanggap nina People’s Governor Daniel Fernando at Vice Gob. Alex Castro sa panauhin.

Sinabi ni De Vega na sa pagbalangkas ng pangunahing foreign policy ng administrasyon ni Pangulong Gloria- Macapagal Arroyo kung kailan siya nahirang na secretary ng nasabing kagawaran, kagaya ng national security, economic diplomacy at protection of migrant workers.

Kabilang sa mga unang ipinatupad ng DFA sa panahon ni Ople ang Overseas Absentee Voting Act of 2003 o ang Republic Act 9189,
na itinuturing na makasaysayan dahil ito ang unang pagkakataon na makaboto o makalahok sa ganitong uri ng demokratikong proseso ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Kilala rin si Ople na nagpasimula na makapagpadala ng noo’y tinatawag na Overseas Contract Workers (OCWs) mula noong 1970s at naging instrumento upang maitatag ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA, na ngayo’y Department of Migrant Workers (DMW).

Pinasimulan din ng DFA noong 2003 ang pagpapatupad sa Citizenship Retention and Re-acquisition Act o ang Republic Act 9225, isa itong batas tungkol sa ‘Dual-Citizenship’ kung saan ang isang mamamayan ng Pilipinas ay maaaring maging mamamayan din ng ibang bansa sa magkaparehong panahon.

Pwede ring bumalik sa pagiging Filipino Citizen ang isang indibidwal na minsang naging citizen o mamamayan ng bansang tinirahan sa mahabang panahon.

Sa larangan ng seguridad, naging matibay na haligi ng ugnayang Pilipinas at United States si Ople sa panahon na siya’y secretary ng DFA.

Ipinaglaban niya ang makatwirang pagpapatupad sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng dalawang bansa simula noong 2002 upang magsilbing implementation agreement ng United States-Philippines Mutual Defense Treaty.

Nagbunsod ito ng taunang Balikatan Exercises na bukod sa joint military training, nagbukas din ito ng pinto upang mapondohan ng United States ang mga development projects gaya ng airport runway, paaralan, health center, water supply, ecological balance, micro, small and medium enterprises at iba pang socio-civic projects. THONY ARCENAL