TINIYAK ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na isinasailalim sa intelligence investigation ng pamahalaan ang mga dayuhang estudyante na may visa.
Sa katunayan, sinabi ni Tansingco na ipinatutupad nila ang Executive Order No. 285, series of 2000 na nagtatakda na sinisiyasat muna ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang layunin ng mga estudyante bago payagang makapag-aral sa bansa.
Sa ilalim ng batas, makapag-iisyu lamang ng student visa ang BI sa mga dayuhan kapag inindorso ng legitimate schools at ng Commission on Higher Education (CHED).
Habang ang lahat ng foreign students ay kailangang magsumite ng ng ulat sa BI, CHED, at NICA.
Ang mga ahensiyang ito ang magmomonitor sa kanilang visa compliance at titiyak na nakatutugon sa education-related policies at iimbestigahan kung mayroong suspicious activities.
Ginawa ng BI ang pahayag kasunod ng ulat na dagsang enrollment ng Chinese students sa Cagayan kung saan malapit sa EDCA sites.
Batay sa record, kabuuang 1,516 Chinese ang nabigyan ng student visas sa Cagayan noong 2023 na inindorso ng isang kilalang unibersidad.
Sa nasabing bilang, 400 ang nasa on-site due to distance learning.
Habang sinabi ng CHED na bahagi ng kanilang internationalization program noon pang 2022 ang pagtanggap ng Chinese students sa Cagayan.
EUNICE CELARIO