INAASAHAN ang pagdagsa ng mga foreign tourist sa lalawigan ng Palawan sa pagpapa¬tayo ng tatlong international airports, bukod pa sa pagkakaroon ng regional airports at mga pantalan, kabilang ang ‘Roll-on Roll-off’ (RoRo) ports.
Sa isang briefing na ipinatawag ng House Committee on East ASEAN Growth Area na pinamumunuan ni Davao del Sur Rep. Mercedes Cagas, inalam ang katayuan ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura sa lalawigan bilang bahagi ng pagpapaunlad ng Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA).
Dumalo sa briefing si Palawan Governor Jose Alvarez, kasama ang mga opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA), sa pangunguna ni Engr. Nelson Caabay, Jr.; Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B, na kinatawan ni Asst. Regional Director Wilfredo Mallari; Deputy Speaker Frederick Abueg (2nd District, Palawan); Reps. Orestes Salon (PL-AGRI); Glona Labadlabad (2nd District, Zamboanga del Norte); Maximo Rodriguez, Jr.; (2nd District, Cagayan de Oro City); at Franz Alvarez (1st District, Palawan).
Ayon kay Alvarez, sa ilalim ng kanyang administrasyon ay mayroon silang iba’t ibang programa at proyektong isinasakatuparan para suportahan ang pagsusulong na gawin ang BIMP-EAGA bilang ‘traditional trade and commerce route’ sa bansang Malaysia.
Pangunahin na rito ang pagkakaroon ng international airports sa ‘north, south at middle area’ ng naturang island province, na karagdagan sa apat na domestic air terminals o regional airports, na kapag naging operational ay maaaring paglapagan ng mga malalaking eroplano mula Estados Unidos, Europa at iba pang bansa sa Asya.
“Likewise, several seaports will be constructed while the existing ones will be expanded to accommodate international cruise liners to address the fast-growing tourism industry in the province,” sabi pa ng Palawan governor.
Aniya, may massive plans ang kanilang provincial government na nakatuon sa pagpapalawak at pagsasaayos ng mga pantalan para pagsilbihan ang BIMP-EAGA inter-connectivity kung saan mayroon ding malaking potensiyal sa sektor ng turismo.
“In Kudat and Kota Kinabalu, Malaysia, large cruise liners will be just five minutes away from attractive sandbars and white beaches. The cruise liners will travel for only five to 10 minutes to the north of the Pandanan Island which has a beautiful lagoon that can accommodate 2,500 tourists a day – but without hotels. Tourists will just go back to their ships and move out. That is the plan, which we intend to start at the end of the year,” detalye pa ni Alvarez.
Samantala, nabanggit din ng local chief executive na sa pamamagitan naman ng RoRo ports sa bahagi ng El Nido at Coron, maaari nang magkaroon ng land travel sa pagitan ng Palawan at Manila, na dadaan sa Mindoro province at Batangas City Port. ROMER R. BUTUYAN