FOREIGN TRAINING ASAM NG BLU GIRLS

KAILANGAN ng Philippine women’s softball team, mas kilala bilang Blu Girls, ang lahat ng exposure na maaari nitong makuha bilang paghahanda para sa 2023 World Cup na gaganapin sa July 22-26 sa Italy.

Ang Blu Girls ay umusad sa World Cup sa unang pagkakataon magmula noong 2018 kasunod ng fourth-place finish sa katatapos na Women’s Softball Asia Cup sa Incheon, South Korea kung saan sila may 5-3 record.

Kahit paano ay nakamit ng Blu Girls, ranked No. 4 sa Asia, ang kanilang misyon. Subalit sa Italy ay makakagrupo nila ang mabibigat na kalaban tulad ng Japan, Canada, Venezuela, New Zealand at Italy.

“That’s why we need more foreign exposure. Alam naman ng coaches natin na ‘yun ang kulang,“ sabi ni team captain at starting pitcher Ann Antolihao sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.

“We’re happy na nakabalik tayo sa World Cup,” dagdag ni Antolihao.

Sinamahan si Antolihao nina pitcher CJ Roa at catcher Celine Ojare, na iginiit ang pangangailangan para sa foreign exposure bago ang World Cup, kung saan ang top two teams ay makakakuha ng seedings sa 2024 edition.

Ang Blu Girls ay nakapasok sa World Cup na may all-homegrown lineup, at sa ilalim nina coaches Ray Pagkaliwagan, Randy Dizer at Anthony Santos, at suportado ni ASAPHIL president Jean Henri Lhuillier.

Kung bibigyan ng pagkakataon, sinabi ni Roa na mas gusto nila ng foreign training camp sa Japan, kung saan maaari silang maglaro ng tune up matches sa top teams.

“High-level training talaga sa Japan kahit sa tuneup games with university schools. Kaya kung bibigyan kami ng chance, sana sa Japan,” anang pitcher mula University of Santo Tomas.

Ang Blue Girls ay may players din mula sa Bacolod, Bukidnon, Batanes, at Makati.

“Skills wise meron naman po tayo dito. Pero kulang tayo sa exposure,“ dagdag pa ni Roa.

Ang Blu Girls ay sumalang sa walong laro sa Incheon, tinalo ang Hong Kong (7-0), South Korea (2-0), Singapore (8-1), Thailand (10-0) at India (10-0) at yumuko sa Japan (9-1) sa kabila ng 4-0 lead sa first inning, China (6-2) at Chinese-Taipei (5-0).

Sinabi ni Antolihao na wala pang final lineup para sa World Cup, at idinagdag na bahala na dito ang mga coach. Ang desisyon ay maaaring mabuo sa pagpapatuloy ng training ng koponan sa April 24.

CLYDE MARIANO