FOREIGNERS NA SASALI SA RALLY BINALAAN NG IMMIGRATION

BI Commissioner Jaime Morente

BINALAAN ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang lahat ng mga dayuhan na iwasang sumali sa mga political activity sa bansa partikular na sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kautusan ni Morente  ay bilang warning sa mga dayuhan para maiwasan muli ang mga pangyayari na humantong sa deportation sa ilang  foreigner ang sumali sa mass protest laban sa pamahalaan.

Dagdag pa nito, ang mga turista o mga dayuhan ay walang karapatan na sumali sa mga demonstration dahil ito ay isang pagpapakita ng kawalan ng respeto sa mga awtoridad o pakikialam sa internal affairs ng Filipinas.

Matatandaan noong 2013, isang Dutch citizen na si Thomas van Beersum at Canadian Student Kim Chatillom Miller ang ipina-deport dahil sumali ang mga ito sa anti-SONA rally.

Samantalang si Patricia Fox na isang Australian nun na nakitang sumali sa rally ay hindi na pinayagan ng BI na makapag-renew ng kanyang visa dahil nilabag  nito ang kondisyon na  ipinagkaloob sa kanya, habang sina Zimbabwean Tawanda Chandiwana, American Adam Thomas Shaw, at Malawian Miracle Osman ay ipina-deport dahil sa pagsali sa leftist ac-tivities noong  2018.

Sa ilalim ng BI Operations Order No. SBM-2015-025, ipinagbabawal sa mga foreigner na sumali sa political activities habang naririto sila sa bansa. FROI MORALLOS