FORMALIN SA IMPORTED SEAFOODS SUSURIIN NG BFAR

IMPORTED SEAFOODS

PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang mga mamimili sa ibinebentang isda at iba pang lamang dagat dahil ginagamitan umano ito ng formalin bilang preservative.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, makikipag-ugnayan sila sa Department of Agriculture (DA) para suriin ang mga produktong ito matapos kumalat ang balita tungkol dito kamakailan.

“FDA po. Kapag me­rong nagreklamo, puwede naming i-test. Puwede rin po sa Bureau of Fisheries under the Depart-ment of Agriculture kung unprocessed pa po ang pagkain. Pero kung mukhang processed na siya then under FDA na po,” ani Domingo sa isang panayam.

Ang hakbang na ito ng DOH ay alinsunod sa naging pahayag ng grupong  Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) na may imported seafoods kasama ang galunggong na nilalagyan ng formalin para maibenta sa bansa.

“Ngayon nabalita kasi na ang mga frozen galunggong na nanggagaling sa China, nagugulat sila pagdating, parang fresh na fresh pa ang dating e frozen itong mga ito. So hindi po natin nalalaman kung freshly frozen lang talaga siya right after catching or kung nadagdagan siya ng preservative and we have to test po para malaman,” dagdag pa ni Domingo.

Binigyang diin ni Domingo, ang formalin ay isang toxic substance at hindi puwedeng gamitin bilang preservative sa kahit na anong produkto.

Napag-alaman pa na bukod sa nakamamatay ang formalin, puwede rin ito maging sanhi ng kanser.

“Kasi po napakara­ming palengke sa buong Filipinas, pero dapat po sa source pa lang, lalo na kung import siya from another country, we’ll have to inspect it from the source before it comes in,” giit pa nito.

Tinukoy din ni Domingo, mga tuyong isda at tofu ang ilan pang hinihinalang nilalagyan ng formalin.

Kaya’t mahigpit na bilin ni Domingo na i-report ang mga mahuhuling pinagkukuhaan ng mga kontaminadong produkto.

“Of course, kailangan po kasi naming malaman din kung saan, kung anong pagkain, otherwise po kasi mahihirapan ang mga ahente namin na hanapin kung alin ang i-te-test.’’

Nagbigay naman si Domingo ng isang paraan sa pagtanggal ng formalin sa pamamagitan ng pagbababad nito sa malamig na tubig na may asin na hindi bababa sa isang oras. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.