PINAGKALOOBAN ng four-arrow recognition sa ASEAN Corporate Governance Scorecard (ACGS) Recognition Ceremony 2019 ang Manila Electric Company (Meralco).
Bilang pagkilala sa “good corporate governance” at “responsible management practices”, itinanghal ang Meralco bilang Top Performing Philippine publicly-listed company (PLC) sa ilalim ng ASEAN Corporate Governance Scorecard (ACGS). Binigyan ang Meralco ng four-arrow recognition ng Institute of Corporate Directors (ICD) sa ACGS Golden Arrow Recognition Ceremony na ginanap noong ika-11 ng Hunyo, 2019 sa Conrad Manila, Pasay City.
Ang Meralco ay isa sa anim na kompanya sa Filipinas na nabigyan ng parangal na four-arrow recognition.
Ang parangal na Golden Arrow ay iginagawad lamang sa mga top-performing publicly-listed na mga kompanya base sa ACGS score nito mula sa lokal na pagsusuri ng ICD noong 2018.
Nakatanggap ng pagbati mula kay ICD Chief Executive Officer, Dr. Alfredo E. Pascual, ang mga kinilalang top performing PLC. Hinikayat din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang pagbuo at pagpapatupad ng mga programa ukol sa mahusay na corporate governance para sa ikabubuti ng mga imbestor, mga stakeholder, at ng bansa.
Ang okasyon ay para sa selebrasyon at pagkilala sa tagumpay ng mga publicly-listed na kompanya at mga insurance firm sa pagyakap at pagtataguyod ng kultura ng good corporate governance.
Naging panauhing pandangal sa okasyon si Security and Exchange Commission (SEC) Chairman Emilio B. Aquino.