HABANG sinisikap ng bansa na muling bumangon mula sa mahigit dalawang taong hagupit ng pandemya, nahaharap na naman tayo sa panibagong dagok ng panahon – ang pagsirit ng presyo ng krudo dahil sa digmaang namamagitan ngayon sa Russia at Ukraine.
Ang resulta – pumalo rin ang epekto nito sa halaga ng mga pangunahing bilihin, at sa sektor ng transportasyon. Nagpapagaling pa lang ang ating ekonomiy, may bago na namang nagpapahirap.
Kung matatandaan, kamakailan, may panukala si NEDA Secretary Karl Chua na magpatupad muna ng four-day workweek o apat na araw lang na trabaho sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan nito, aniya, makatitipid tayo sa iba’t ibang gastusin tulad ng pagpapa-gas, pamasahe at iba pang transport costs. Pero nilinaw ni Secretary Chua na kailangan pa ring umabot ng 40 oras ang trabaho sa loob ng isang linggo, o 10 oras na pagtatrabaho sa loob ng isang araw. Sa ngayon kasi, 8 oras ang trabaho natin. Pero kung maipatutupad ang four-day workweek, kailangan daw na sulitin ito ng hanggang 10-hour work per day.
At ito pong panukalang ito ni Sec. Karl, inayunan naman ng Department of Energy. At sabi pa nga ng ahensiya, dapat, tuloy-tuloy rin ang work from home.
Sa panig naman ng Department of Labor, bagaman wala naman silang pagtutol sa suhestiyon ni Secretary Chua, sinabi nilang base sa Labor Code, walang nakasaad kung ano ang minimum number of working days sa loob ng isang linggo. Ang ibig sabihin, maipatupad man ito, nasa diskresyon pa rin ng pamunuan ng mga pribadong kompanya kung susunod sila rito. Ayon naman sa Civil Service Commission, mas mabuti siguro kung ‘yung ikalimang araw ng trabaho (araw ng Biyernes) ay sa bahay magtrabaho ang mga empleyado. Mas mainam daw ito, kaysa i-compress ang oras ng trabaho sa 10 hours in four-day workweek.
It should be noted that the Philippines has adopted such a setup before—back in 1990 and 2008. More recently, many progressive countries around the world—such as Scotland, Spain, Iceland, Belgium and the United Arab Emirates (UAE)—have already considered, piloted, experimented with, or adopted a compressed workweek.
Sa totoo lang – ginagawa na ang compressed workweek sa malalaking bansa sa globa, tulad ng Spain, Scotland, Iceland, Belgium at sa UAE.
Ayon nga kay Alex Pang ng 4 Day Week Global Team, mas naging competitive at productive ang mga kompanya sa four-day workweek dahil naging balance din ang buhay personal at trabaho ng mga empleyado. Sabi niya pa, mas tumaas ang kita ng mga kompanyang ito sa ganitong sistema, kumpara sa dating five-day workweek.
Pero gaano man kaganda sa pandinig ang testimonya ng mga bansang nagpapatupad nito, dito sa atin kasi, marami pa rin ang nagdadalawang-isip na sumunod diyan. Unang-una, ayon sa Employers Confederation of the Philippines o ECOP, kahit pansamantala lang na ipatutupad ang ganitong sistema sa bansa, posibleng hindi rin naman ito makatulong sa pagtitipid natin sa ating mga gastusin.
Sabi nga ni ECOP President |Sergio Ortiz-Luiz, Jr., puwedeng maging ground pa ng pag-abuso sa mga manggagawa ang four-day workweek at baka hindi rin maging maganda ang epekto nito sa workers.
Maging ang Foreign Buyers Association of the Philippines o FOBAP ay sinabing ‘yung ganyang sistema ay baka maging dahilan pa para magkaroon sila ng delayed shipments, lalo na kung ang mga products for shipping ay mga damit, tela o anumang katulad nito. Kung magkakaganoon, sabi nila, maaapektuhan nang husto ang $1.5B export target nila ngayong taon.
Kung titingnan natin ang mga argumentong ito, mababalanse natin ang mga maaaring advantages at disadvantages ng panukalang four-day workweek ng NEDA. Pero kahit wala pang pinal na desisyon ang Palasyo sa usaping ito, nagsimula na ang ilang matataas na ahensiya ng gobyerno sa pagpapatupad nito. Kabilang diyan ang Korte Suprema, ang Court of Appeals, ang Court of Tax Appeals, Sandiganbayan at ang lalawigan ng Iloilo.
Anuman ang mangyari sa panukalang ito, ang mainam lang ay ang pagpapahalaga sa kapakanan ng ating mga manggagawa at tiyaking hindi rin maaapektuhan ang katayuan ng mga kompanya.