FOUR SEASON ICE CREAM CAKE

ICE CREAM CAKE

KUNG may isa mang hindi nawawala sa handaan, iyan ang cake. Napakasarap nga naman kasi ng cake at bukod pa roon, kinahihiligan din ito ng kahit na sino.

Kung birthday nga naman, hindi puwedeng mawala ang cake. Isa nga naman ito sa la­ging nire-request ng mga bata. Sa sarap nga naman nito, sino nga naman ang hihindi.

Kadalasan ay bini­bili natin ang cake. Kapag may handaan nga naman, umo-order lang tayo o kaya naman, nagpapa-deliver. Napakarami rin naman kasing mabibilhan nito. Pero puwedeng-puwede ka ring magluto o gumawa nito kahit na nasa bahay ka lang.

Sa mga mahihilig sa ice cream cake, panahon na para pag-aralan ninyo ang paggawa nito. Huwag ninyong sasabihing hindi ninyo makakaya dahil lahat ng bagay may paraan lalo na kapag gusto. Napag-aaralan ang lahat ng bagay, kahit na ang pagluluto. Kaya makakaya mong gawin iyan kung gugustuhin mo lang.

Simple lang naman ang pagbe-bake at pagluluto basta’t gusto mo lang ang ginagawa mo. Ang kagustuhan mo kasing makapagbake o makapagluto ang magtutulak sa iyo para matutunan ang paggawa nito. Para pagsikapang magawa iyon ng tama.

Hindi kaagad perfect ang magagawa natin kapag nagpa-practice pa lang tayo. Gaya ng lahat ng bagay, puwede tayong magkamali. Pero kung magtitiyaga at pag-aaralan nating mabuti, tiyak na mapi-perfect din natin iyan. At tiyak ding hindi lang ikaw ang matutuwa kundi ang mga makatitikim ng iyong lulutuin.

Kaya naman kung gusto mong subukang gumawa ng four season ice cream cake, ihanda lang ang mga sangkap gaya ng sumusunod:

Para sa chocolate cookie crust: 1 tasang crushed cookies at 6 na kutsarang melted butter.

Para naman sa ice cream layers, ang kaila­ngan nating i-ready ay 1 tasang fresh strawberry pero kung walang fresh strawberry, puwede na rin ang strawberry ice cream, 1 pint ng vanilla ice cream, 3 pirasong medium sized ng ripe mangoes na hiniwa ng maninipis, 1 pint ng mango ice cream, 1 pint ng mocha ice cream at strawberry pie filling.

Paraan ng paggawa:

Matapos maihanda ang mga kakailanganing sangkap, simulan na ang paggawa.  Siguraduhing malinis ang iyong mga kamay.

Unang hakbang, lagyan lamang ng aluminum foil ang 8-inch round pan. Pagkatapos ay paghaluin ang cookie crumbs at ang melted butter. I-press ito sa gitna ng pan at saka palamigin sa loob ng 20 minuto.

Kung mas pinili ninyo ang fresh na strawberry, hugasan ito at tanggalin ang tangkay. Pagkatapos ay hatiin ito sa gitna. Kapag nahati na sa gitna, i-arrange na ito sa nakahandang crust. I-spread na rin ang vanilla ice cream at saka ilagay sa freezer. Paglipas ng ilang saglit, kapag ­medyo tumigas na ito ay i-arrange naman ang hiniwa-hiwang manga. Patungan ng mango ice cream. Palamigin ulit. At ang panghuli, ilagay sa ibabaw ang mocha ice cream. Ilagay sa freezer hanggang sa tumigas.

Kapag ready na itong i-serve, tanggalin lamang ang aluminum foil at ilipat ang nagawang cake sa platter. Puwede rin itong lagyan ng whipped cream at chocolate triangles sa ibabaw.

Kahit na medyo matrabaho, kayang-kaya pa ring gawin hindi ba? Swak na swak ito sa mga taong medyo umiinit ang ulo.  Puwedeng-puwede rin itong pagsaluhan ng mga taong nalulungkot kaso huwag lang sosobra baka naman hindi ka na magkasya sa kama mo. Kahit na sarap na sarap ka, hinay-hinay pa rin sa pagkain.  Lahat ng sobra, nakasasama.

Kaya naman sa mga trip diyang gumawa o magpa-impress sa kanilang mga mahal sa buhay, tamang-tama ang four season ice cream cake. Puwedeng-puwede rin ninyo itong ipatikim sa inyong mga kaibigan at kakilala.

Marami rin kayong flavor na puwedeng pagpilian na tiyak na katatakaman ng makatitikim. Kaysa nga naman sa bumili, bakit hindi na lang gumawa. Mas mapasasarap pa ninyo ito dahil sa sangkap na pagmamahal. CT SARIGUMBA

Comments are closed.