FPRRD GINAWA LANG ANG KANYANG TUNGKULIN PARA SA KINABUKASAN NG ATING MGA ANAK— BONG GO

NAGPASALAMAT  si Senator Christopher “Bong” Go kay dating pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pangunguna sa paghahain ng House Resolution No. 780, na nagdeklara ng “unequivocal defense” para kay dating pangulong Rodrigo Duterte laban sa imbestigasyon o pag-uusig ng International Criminal Court.

“Unang-una, nagpapasalamat po ako kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga kasamahan niya sa Kongreso sa patuloy na tiwala at suporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte,” saad ni Go sa ambush interview.

Kasunod ng awtorisasyon ng ICC para sa Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito sa giyera kontra droga ng bansa sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte, muling iginiit ni Go na si dating pangulong Duterte ay kumilos lamang para sa ikabubuti ng bansa, ng mga mamamayan nito, pati na rin ang upang protektahan ang kinabukasan ng mga nakababatang henerasyon ng mga Pilipino.

“Ako po bilang senador at naging parte po ng administrasyon ni dating pangulong Duterte bago ako naging senador, alam ko naman po na ginawa lang po ni (dating) pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para po sa kaligtasan ng ating mga anak. Alam n’yo, ginawa n’ya po ang sakripisyo para po ‘yon sa future ng ating mga anak,” diin ni Go.

“Kayo na po ang humusga. Hayaan na natin ang taumbayan ang humusga, kung mas nakakalakad ba kayo sa gabi na hindi nababastos ang inyong mga anak at hindi nasasaktan. Ginawa po ni (dating) pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya at sakripisyo para po sa kinabukasan ng ating mga anak.

“Gaya ng sinabi ko noon, hayaan na lang natin ang ating kapwa Pilipino at hindi po ang banyaga para humusga sa ginawa n’ya po noong unang panahon,” dagdag ng senador.

Nauna rito, sinabi ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na tumanggi si Duterte na litisin ng mga dayuhang entity hangga’t handa at kaya ng mga korte ng Pilipinas.

“Abogado naman po si (dating) pangulong Duterte at mas gusto po ni (dating) pangulong Duterte that he will be judged by his fellow Filipinos in a Philippine court under Philippine laws.

“Bakit ibang bayan po ang huhusga sa atin, eh, may sarili naman tayong batas? At ako po ay naniniwala at may tiwala po ako sa ating judicial system.

“Buhay na buhay ang demokrasya sa ating bansa, mayroon tayong rule of law na pinapairal, at may sarili naman tayong mga korte na nananatiling malaya at mapagkakatiwalaan,” pahayag pa ng senador.

Si Arroyo, kasama ang 18 iba pang mambabatas, ay naghain ng HR 780, “A Resolution In Defense of former President Duterte, the 16th President of the Philippines, Against Investigation and/or Prosecution of the ICC.”