FPRRD GINAWA LANG ANG TUNGKULIN PARA SA IKABUBUTI NG BANSA-BONG GO

Sa dalawang magkahiwalay na panayam ay ipinahayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na puputulin niya ang anumang pakikipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) matapos tanggihan ng huli ang apela ng gobyerno sa suspindihin ang probe nito sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng “drug war” ng nakaraang administrasyon sa pamumuno ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Sang-ayon po ako sa posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Nagpapasalamat din tayo sa kanya sa hangarin niyang ipagtanggol ang pagiging independent ng bansang Pilipinas. Nasabi ko na ito dati, ang ICC ay walang negosyong nakikialam sa ating mga domestic affairs, partikular na kapag ang ating mga korte ay gumagana at nananatiling independiyente sa panghihimasok sa pulitika. Alam n’yo po, gumagana naman ang ating judicial system,” pahayag ni Go nitong Abril 1, matapos dumalo sa 32nd Annual General Assembly of Tam-an Banaue Multipurpose Cooperative sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Samantala, muling iginiit ni Go na matagal nang napagdesisyunan na putulin ang ugnayan sa ICC, kung isasaalang-alang na ang mga kamakailang aksyon nito ay maaaring lumabag sa soberanya ng Pilipinas at lumabag sa sistema ng hustisya ng bansa.

“Dapat naman po, matagal na dapat tayong wala diyan. Nag-disengage na tayo noong panahon ni dating pangulong Duterte. At ako naman po ay naniniwala sa ating judicial system,” pahayag ni Go sa ambush interview sa Quezon City nitong Marso 31, matapos saksihan ang groundbreaking ng dalawang multipurpose buildings sa Barangays Bagong Silangan at Commonwealth.

“Kung mayroon man pong dapat humusga at lumitis kay dating pangulong Duterte, kung saka-sakali man pong sa tingin ninyo ay mayro’n siyang kasalanan, ay dapat po ang Pilipino. Pilipino po ang dapat humusga sa kanila, ang taumbayan at ang judicial system ng Pilipinas,” diin nito.

Sa isang resolusyon na inilabas noong Marso 27, tinanggihan ng ICC’s Appeals Chamber ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na suspendihin ang imbestigasyon nito sa mga pagpatay na iniulat na ginawa sa ilalim ng kampanya ni dating pangulong Duterte laban sa ilegal na droga.

Ang desisyon ay dumating dalawang linggo lamang matapos hilingin ng Office of the Solicitor General (OSG) sa ICC Appeals Chamber na suspendihin at baligtarin ang desisyon na nag-awtorisa sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng ICC prosecutor.

Kung matatandaan, pinahintulutan ng ICC Pre-Trial Chamber noong Enero 26 si ICC prosecutor Karim Khan na magpatuloy sa paunang pagsisiyasat, na nag-udyok sa OSG na magsumite ng notice ng apela noong Pebrero 3 para baligtarin ang desisyong ito.

“Gaya ng sinabi ni (dating) pangulong Duterte, kung kailangan man siyang ilitis (ay dapat) dito sa ating bansa.

Nagtitiwala po ako sa ating judicial system at nagtitiwala po ako kay (dating) pangulong Duterte na ginawa lang po niya ang kanyang trabaho para sa kinabukasan ng ating mga anak. Ako po ay naniniwala na ginawa, ginampanan, ni dating pangulong Duterte ang kanyang trabaho bilang pangulo (noong) kanyang termino. Para po ito sa kinabukasan ng ating mga anak,” pagbibigay diin ni Go.

“Ang dapat humusga kay (dating) pangulong Duterte (ay) hindi po ang mga nasa ibang bansa. Ang dapat humusga kay (dating) pangulong Duterte ay ang Pilipino dahil ang Pilipino po ang kanyang pinaglingkuran, ang Pilipino po ang bumoto sa kanya at nagluklok sa kanya bilang presidente, at para sa Pilipino rin po niya ginawa ang lahat ng kanyang makakaya, pinagsilbihan n ‘oo po. Alam n’yo, ang sakripisyo po ni (dating) pangulong Duterte para sa ating bayan ay talagang mula sa puso ang kanyang pagseserbisyo,” pahayag nito.

Sa kanyang bahagi, co-authored si Go ng Senate Resolution No. 488, na inihain ni Senador Robinhood Padilla, na nagtatanggol kay dating pangulong Duterte laban sa pagsisiyasat ng ICC Office of the Prosecutor sa drug war ng bansa sa panahon ng kanyang administrasyon.

Ang katulad na resolusyon sa Kamara m, ang House Resolution No. 780, ay inihain ni dating pangulo at ngayon ay House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, kasama ang 18 iba pang mambabatas noong Pebrero 16.