KASAMA ni Senador Christopher “Bong” Go, nitong Huwebes si dating presidente Rodrigo Duterte sa pagbisita sa Pampanga nang dumalo ang mga ito sa “Handog Pasasalamat ng mga Kapampangan kay Pangulong Duterte” sa Royce Hotel and Casino, Clark Freeport Zone, Mabalacat Lungsod, kung saan anghuli ay idineklara bilang “adopted son” ng lalawigan.
Bilang pagkilala sa kanyang makabuluhang kontribusyon sa paglago at kaunlaran ng Pampanga sa panahon ng kanyang pagkapangulo mula 2016 hanggang 2022, idineklara si Duterte na “adopted son” ng lalawigan sa bisa ng Resolution No. 7643.
“Unang-una, gagamitin ko lang po ‘yung parating sinasabi ni (dating) pangulong Duterte: huwag po kayong magpasalamat sa amin dahil trabaho namin ‘yan,” saad ni Go sa kanyang talumpati.
“Sa totoo lang po, kami ang dapat magpasalamat sa inyo. Kami po’y mga probinsyano lamang na binigyan n’yo po ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo. Maraming salamat po sa inyo,” dagdag nito.
Ayon kay Go, wala siya sa puntong ito ng kanyang buhay kung wala ang patnubay at karunungan na kanyang natanggap mula kay Duterte.
“Salamat po sa inyo at salamat (former) president Duterte. Wala po ako rito kung hindi po dahil kay (dating) pangulong Duterte,” ani Go.
Nagpasalamat si Go sa lahat ng mga Pilipino sa pagbibigay sa kanya at kay Duterte ng pagkakataong pagsilbihan sila.
Nangako rin siya na ipagpapatuloy ang kanyang pagsisikap sa pamamagitan ng pagtataguyod para sa mga hakbangin na nagtataguyod ng kapakanan ng mga Pilipino, tulad ng Malasakit Centers program at ang mga pagtatatag ng Super Health Centers sa buong bansa.
“Ako po’y Bisaya na taga-Davao at may dugong Batangueño rin po ang lolo’t lola ko. Sa pagseserbisyo ko, malaki po ang natutunan ko kay (dating) pangulong Duterte.
“Isa lang po ang ipinapaalala niya sa akin noon pa. Unahin mo ang iyong kapwa Pilipino, hinding-hindi ka magkakamali. Pagserbisyuhan n’yo lang po nang mabuti. Iyan po ang ginagawa ko. Asahan n’yo po sa abot ng aking makakaya, hindi po ako pulitiko na mangangako sa inyo, pero magtatrabaho lang po ako.”
“Sanay naman po ako sa trabaho. Umaga, tanghali, hapunan, kahit panaginip nagtatrabaho po ako sa abot lang po ng aking makakaya,” dagdag ng senador.
“Ipagpapatuloy ko po kung anong kaya kong gawing pagseserbisyo sa inyo, kung ano po ang natutunan ko kay (dating) pangulong Duterte.”
Kasama aniya rito ang programang nakakatulong sa mga mahihirap tulad ng Malasakit Centers.
Sinabi ng senador na ang mga aral na natutunan niya habang naglilingkod kasama ni Duterte ang nagtulak sa kanya na simulan ang nasabing programa at kalaunan ay pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng Republic Act No. 11463, na nag-institutionalize ng Malasakit Centers sa pamamagitan ng batas na nilagdaan ni FPRRD noong 2019.
Nangako rin ang senador na patuloy na suportahan ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers sa bansa, partikular sa malalayong lugar. Ilang 307 SHC ang pinondohan noong 2022 sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go.
“Iyon pong mga Super Health Center naman, iyan po rin ang isa sa natutunan ko… serbisyo sa mga malalayong lugar na walang mga Rural Health Units po. ‘Yung mga buntis kailangan pa nilang mag-travel ng 3 hours, nanganganak na lang sa jeepney, sa tricycle ‘yung mga kababayan natin,” anito.
“Ngayon po maglalagay ng mga Super Health Center sa mga strategic areas sa tulong po ng ating mga kongresista na nandirito po. And of course, headed by our Senior Deputy Speaker, Ma’am Gloria Macapagal-Arroyo,” dagdag ni Go.
Dumalo rin sa event sina dating pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, 4th District Representative Anna Bondoc-York, Pampanga Governor Delta Pineda, Vice Governor Lilia Pineda, Pampanga board members, mga alkalde, at mga bise alkalde.
“Thank you for adopting me as the son of Pampanga. It is a great honor, really. Ako naman ay nagtatrabaho lang,” ang pahayag naman ni Duterte sa kanyang speech.