FRANCHISE-RECORD 158 POINTS SA HORNETS

NAIPASOK ni Kelly Oubre Jr. ang 10 shots mula sa 3-point range tungo sa kanyang 39 points at nagtala si LaMelo Ball ng triple-double nang pulbusin ng record-setting Charlotte Hornets ang Indiana Pacers, 158-126, Miyerkoles ng gabi sa Indianapolis.

Nagposte ang Hornets ng franchise single-game record para sa points at nagtala ng bagong NBA season high. Ang all-time record ng Hornets ay naitala ngayong season sa146-143 overtime loss sa Houston Rockets noong Nov. 27. Dating tangan ng Memphis Grizzlies ang 2021-22 mark, salamat sa  152-79 rout sa Oklahoma City Thunder noong Dec. 2.

Napantayan ni Oubre ang franchise record para sa naipasok na 3-pointers, at nagbuhos si Ball ng 29 points, 13 assists at 10 rebounds para sa Charlotte na gumawa ng season-high point total.

Nakalikom si Miles Bridges ng 22 points upang tulungan ang  Hornets na putulin ang two-game losing streak.

Umiskor sina Goga Bitadze at reserve Isaiah Jackson ng tig-17 points para sa Pacers.

SUNS 105, JAZZ 97

Kumana si Devin Booker ng 43 points at kumalawit ng 12 rebounds at hinila ng Phoenix ang kanilang winning streak sa walo sa pamamagitan ng panalo kontra Utah sa Salt Lake City.

Umiskor si Booker ng 21 points sa first quarter upang tulungan ang Suns na kunin ang maagang 21-point lead, at naghalinhinan sila ni teammate Chris Paul sa pagbuslo ng clutch jumpers sa huling sandali upang pigilan ang tangkang paghahabol ng Utah, Tumapos si Paul na may  21 points.

Nalasap ng Utah ang ikalawang pagkatalo sa Phoenix sa tatlong gabi at nabigo sa ika-9 na pagkakataon sa 11 games overall. Kumubra si Jordan Clarkson ng 26 points at nagsalpak ng anim na 3-pointers. Nag-ambag si Mike Conley ng 16 points at 10 assists, habang nagdagdag si fill-in starting center Hassan Whiteside ng 16 points at 11 rebounds.

HEAT 110, KNICKS 96

Tumirada si Duncan Robinson ng game-high 25 points upang pangunahan ang host Miami kontra New York.

Tinalo ng Heat ang Knicks ng 10 beses sa kanilang huling 12 pagtatagpo.

Nagdagdag si Miami’s Jimmy Butler ng 22 points at gumawa si Tyler Herro — na lumiban ng tatlong laro dahil sa COVID protocol — ng 21. Kumabig si P.J. Tucker, sa isa sa kanyang pinakamagandang laro sa season, ng 20 points.

Kumamada si Obi Toppin ng 18 points mula sa bench para sa Knicks, na natalo sa lima sa kanilang huling anim na laro.

Sa iba pang laro: Cavaliers 115, Bucks 99; Clippers 111, Magic 102; Mavericks 132, Trail Blazers 112; Nuggets 124, Nets 118; Bulls 111, Raptors 105; Grizzlies 118, Spurs 110; Hawks 121, Kings 104.