ITO ang bungad na pahayag ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda sa unang pagdinig sa planong renewal ng prangkisa ng Meralco na igagawad ng Kongreso, ayon sa ating batas.
Ang Bicolanong mambabatas ay ang author ng HB No.9793, sinasabi na “The case for renewing Meralco’s franchise is plain and simple: it has complied with the conditions of the franchise law and it is good for the economy and the consumer.”
Hindi matatawaran ang galing ni Salceda kung ang pag-uusapan ay ang ekonomiya. Magaling at matalino sa Salceda at kilala sa pag-aanalisa tungkol sa pagtahak ng ekonomiya ng ating bansa. Upang sabihin ni Salceda na ang Meralco ay mabuti sa ating ekonomiya ay dapat gawing malaking konsiderasyon sa pagdinig sa hiling ng panibagong prangkisa ng Meralco sa susunod na 25 years.
Napapailing lamang ako sa mga ilang sektor ng ating lipunan, ganoon din sa ilang mambabatas na tila ayaw nilang payagan na dagdagan ang taon ng prangkisa ng Meralco.
Ang ilan sa mga buwitre na nais sumakay sa isyu ng prangkisa ng Meralco ay pinalulutang, bilang solusyon, na biyakin ang malaking prangkisa ng Meralco at ipamahagi sa ilang interesadong negosyante. Ha?!
Napakadaling sabihin. Parang magandang ideya. Subalit ang katotohanan ay malaking perwisyo at aberya ang mararanasan ng mga customer ng Meralco kung mangyari ito. Paano na ang mga kasalukuyang imprastraktura ng Meralco kapag inalis sa kanila ang prangkisa sa nasabing lugar?
Kung bibilhin man ng makakakuha ng nabiyak na prangkisa ng Meralco, kailangan pa nilang magkaroon ng negosasyon sa Meralco sa nasabing mga poste, kawad, sistema at kagamitan nito. Alangan namang ibenta ito ng palugi! Eh hindi naman nalulugi ang Meralco at napakaganda ng kanilang serbisyo sa kanilang mga customer.
Isa lang ang nakikita ko dito sa nasabing panukala ng ilang mambabatas na biyakin ang prangkisa ng Meralco.
OPORTUNIDAD SA NEGOSYO. Sisingit ang isang namumuhunan na hindi naman naghirap maski na isang kusing.
Sa katunayan, dagdag din ni House Committee on Energy Chairman, Marinduque lone district Rep. Lord Allan Velasco at naging dating Speaker ng Kongreso na sang-ayon siya sa franchise renewal ng Meralco.
“Meralco has been providing reliable and world-class electric service at fair and reasonable prices to its customers.
The renewal of this franchise is urged to ensure the continuous and uninterrupted supply and distribution of quality and reliable electric service to the customers within the franchise area of Meralco”, ayon kay Velasco.
Kung ating susuriing mabuti, ang Meralco lamang ang may pinakamataas na antas ng serbisyo sa pagbibigay ng koryente sa Metro Manila at sa mga ilang lalawigan na sakop ng kanilang prangkisa. Kung akala ninyo ay binobola ko kayo, magtanong na lang kayo sa klase ng serbisyong ibinibigay ng karamihan ng mga electric cooperatives (EC).
Hindi ko nilalahat ha.
Walang pinipili ang Meralco kung ang pag-uusapan ay kapakanan ng kanilang customers. Mayaman man o mahirap.
Malaki o maliit na negosyante, handa sila upang tumulong sa kanilang mga problema.
Ang iba sa atin ay binabalewala ang mahalagang serbisyo ng Meralco. Ngayon na papasok na ang panahon ng tag-ulan, naghahanda na ang mga tauhan ng Meralco sa mga maaaring problema na naidudulot kapag masungit ang panahon.
Kaya naman maraming mga bayan na hindi sinesrbisyuhan ng Meralco ay nagngingitngit na maisama sila sa franchise renewal.
“Among all the distribution utilities and power cooperatives here in the country, Meralco provides the most reliable electricity service—one that I dare say has been instrumental in driving the economic growth of our country. In terms of service quality and reliability, he said Meralco far exceeds the service offered by other power utilities and cooperatives in the country, citing problems hounding electricity service in areas serviced by power cooperatives,” ang paliwanag pa ni Velasco.
Nakapagtataka lang naman. Heto na ang chairman ng committee on energy na sinasabi na dapat ay ma-renew ang prangkisa ng Meralco subalit ang kanyang vice chairman ay tumututol dito. Ano ba meron dito, Cong. Dan?
Nagtatanong lang po.