FRANCISCO BALTASAR, AMA NG BALAGTASAN

KUNG sikat si Dr. Jose Rizal dahil sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, sikat naman si Francisco Baltasar y de la Cruz sa akda niyang Florante at Laura. Hindi mali­limutan ang talatang kanyang sinulat na:

“O pagsintang labis na makapangyarihan, sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw. “Pag ikaw ang nasok sa puso nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Si Baltazar, isinilang noong April 8, 1788 at namatay noong February 20, 1862, ay kilala rin sa katawagang Francisco Balagtas – ang kinikilalang Ama ng Balagtasaan.

Kilala siyang manunula noong panahon ng Kastila. Kinikilala rin siyang isa sa pinakamahusay na Filipino poet ng bansa, na nakapag-iwan ng pamana sa literaturang hindi mahihigitan ng kahit sino pa man.  Ang pamosong Awit na epikong Florante at Laura ang higit na nagluklok sa kanya sa karangalan.

Hindi pen name ang Francisco Baltasar kundi legal niyang pa­ngalan. Ang Balagtas ay naging adopted name niya lamang noong 1849 sa kautusan ni Governor-Gene­ral Narciso Claveria y Zaldua. Kung minsan, ang apelyido niya ay nagiging Balagtas Baltasar pero alin man sa dalawa ang kayang gamitin ay alam ng lahat na siya iyon.

Isinilang si Francisco sa Barrio Panginay, Bigaa, Bulacan, bunso sa apat na anak ng panday na si Juan at ni Juana de la Cruz. Nag-aral siya sa parochial school ng Bigaa at pagkatapos ay sa Maynila, habang nagtatrabahong katulong sa Tondo.

Natuto siyang sumulat ng tula kay José de la Cruz na mas kilala sa tawag na Joseng Sisiw, dahil ang hinihingi niyang bayad sa mga nagpapaturo sa kanya ay sisiw. Isa siya sa pinakasikat na manunula sa Tondo.

Noong 1835, lumipat si Balagtas sa Pandacan, kung saan nakilala niya at inibig si María Asunción Rivera, na naging inspirasyon niya sa kanyang pagsusulat, lalo na sa tulang may pamagat na Selya. Sa kasamaang palad, naging karibal niya ang mayamang si Mariano Capule. Upang manalo sa puso ni Rivera, ipinakulong ni Capule si Francisco. Sa kulungan niya isinulat ang Florante at Laura. Isinulat niya ito sa wikang Tagalog, sa panahong Kastila ang ginagamit sa lahat ng uri ng pakikipagtalastasan.

Nang makalaya siya noong 1838, ipinalimbag niya bilang aklat ang “Flo­rante at Laura.” Lumipat din siya sa Bala­nga, Bataan noong 1840 at nagtrabaho bilang assistant to the Justice of the Peace at translator of the court. Pinakasalan niya si Juana Tiambeng noong July 22, 1842, na ang nagkasal ay si Fr. Cayetano Arellano, tiyuhin ng magiging Chief Justice to the Supreme Court of the Philippines na si Chief Justice Arellano. Nagkaroon sila ng 11 anak ngunit apat lamang ang nabuhay.

Noong November 21, 1849, iniatas ni Governor General Narciso Clavería y Zaldua na lahat ng Filipino ay kailangang magkaroon ng apelyidong Kastila. Noong 1856, nahirang si Kiko na Major Lieutenant, ngunit nakulong uli siya sa Bataan dahil sa paratang na ipinakalbo niya ang utusang babae ni Alferez Lucas.

Ibinenta niya ang lahat niyang pag-aari pero nakulong pa rin siya noong 1861, at sa kulungan, nagpatuloy siya sa pagsulat ng tula at pagta-translate ng mga Spa­nish documents upang suportahan ang kanyang pamilya, ngunit namatay siya sa loob ng kulungan matapos ang isang taon — February 20, 1862 sa edad na 73. Bago mamatay, hiniling niya sa kanyang mga anak na huwag sundan ang kanyang yapak bilang manunula, dahil napakarami umano niyang hirap na pinagdaanan.

Samantala, tinawag siyang Ama ng Balagtasan dahil siya ang nagpauso sa debateng patula. Kinuha ang salitang balagtasan sa tawag sa kanyang Balagtas.

Wala nang panulat niya ang natira na nasa orihinal na manuskrito sa kasalukuyan. Sa tagal ng panahon, binaha na ito o nasunog o kusang sinira. Ang pinakalumang edisyon ng Florante at Laura ay ang 1861 edition na na-publish sa Maynila, at ang handwritten manuscript naman ay si Apolinario Mabini ang naglimbag. Nasa pa­ngangalaga ito ngayon ng Philippine National Library. – LEANNE SPHERE