MULING inulit ng Malakanyang na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-hire ang Commission on Elections (Comelec) ng fraud-free technology provider para sa 2022 national at local elections.
Ito ay sa kabila ng resulta ng survey ng Social Weather Stations na apat sa lima o 80 porsiyento ng mga Filipino ay kuntento naman sa kinalabasan ng isinagawang midterm elections sa bansa noong nakaraang Mayo kung saan mayorya ng mga kandidato ng Pangulong Duterte ang nagwagi sa senato-rial polls.
“The President remains committed in asking the Commission on Elections to have a fraud-free technology provider in 2022 as part of his lasting electoral reform legacy to the nation,” pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ipinadalang statement sa media.
Ang Smartmatic ang technology provider ng Comelec mula nang pasimulan ang kauna-unahang automated elections sa bansa noong 2010.
Una rito ay hinamon ng Pangulo ang Comelec na huwag nang gamitin ang Smartmatic at sa halip ay humanap ng panibagong technology provider ang poll body.
Ayon kay Panelo, base sa SWS survey, 86 na porsiyento ng mga respondents ang nagsabing kapani-paniwala ang nagdaang senatorial elections.
“The voice of the sovereign people has spoken. The results of the latest survey confirm the desire of the populace for the continuance of the genuine and meaningful change President Rodrigo Roa Duterte has initiated for our country three years ago,” giit ni Panelo.
Naniniwala si Panelo na ang survey results ay pagpapatunay lamang na dapat nang tigilan at isantabi ang pagdududa ng minorya sa integridad ng nagdaang midterm elections. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.