FRAYNA AYAW PAAWAT

PATULOY ang pananalasa ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna makaraang gapiin si Marian Calimbo sa 36 sulong ng King Indian upang kunin ang solong liderado makalipas ang walong  rounds sa 2021 Philippine National Women’s Chess Championship, Miyerkoles sa PACE sa Quezon City.

Nakalikom ang 24-anyos na Bicolana ng 6 points upang kumawala sa five-way tie kina Jan Jodilyn Fronda, Shaina Mae Mendoza, Kaylen Joy Mordido at Antoinette San Diego.

Lamang si Frayna ng half point kay Fronda na may 5.5 points matapos na mauwi sa draw sa 16 sulong ng Ruy Lopez ang laban nito kontra Mendoza.

Nahulog sina Mendoza, Mordido, at San Diego sa ikatlong puwesto na may tig-5 points.

Tinalo ni Mordido si Bernadette Galas sa 38 sulong ng Sicilian encounter at pinasuko ni San Diego si Francois Magpily sa 30 sulong ng Sicilian battle.

Pinayuko naman ni Rinoa Mariel Sadey si Ruelle Canino sa 50 sulong ng Pirc Defense para sa 4.5 points.

Ang torneo na pinangasiwaan ni GM Jayson Gonzales ay inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines at suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee. CLYDE MARIANO