BATANGAS – UMAABOT sa 1,746 mag-aaral mula sa elementarya at high school ang binigyan ng libreng hygiene kit ng lokal na pamahalaan ng Calaca sa pagsisimula ng limited face-to-face class sa nasabing bayan.
Layunin ng lokal na pamahalaan ng Calaca na protektahan ang mga mag-aaral kaya namahagi ng Balik Aral Student Power Pack Hygiene Kit sa Timbain Elementary School at Pedro A. Paterno Elementary at High School.
Sa tulong ng mga kawani ng local government unit at mga guro sa Department of Education ay nabiyayaan ang 117 mag-aaral sa Timbain Elementary School habang 1,629 naman mag-aaral sa Pedro A. Paterno Elementary at High School.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na mawawala ang pag-aalinlangan ng mga magulang sa muling pagbubukas ng nasabing paaralan sa kanilang bayan.
Bukod sa free hygiene kit, tiniyak ng lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy ang iba pang programa tulad ng Covid-19 vaccination program at pagpapatupad ng health protocol sa mga mag-aaral para siguruhin ang kaligtasan ng mga residente laban sa virus. MARIO BASCO