FREE TRADE DEALS PINALAWAK NG PH

PATULOY ang administrasyong Marcos sa pag-iiba-iba ng trade partners sa pagbuo ng free trade agreements (FTAs) sa iba’t ibang bansa.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary for International Trade Group Allan Gepty sa isang panayam na nasa tamang direksiyon ang bansa upang matugunan ang timeline nito pagdating sa FTA negotiations.

Ayon kay Gepty, ipagpapatuloy ng Pilipinas at ng European Union (EU) ang formal negotiations sa October.

“This coming October, 14 or 18 if I’m not mistaken, we’ll now start the next round of negotiation,” ani Gepty.

Aniya, ang mga  elemento at chapters na tatalakayin sa susunod na negosasyon ay magiging mas komprehensibo.

Magkasamang inanunsiyo nina DTI Secretary Alfredo Pascual at European Commission (EC) executive vice president Valdis Dombrovskis noong nakaraang March 18 ang pagpapatuloy ng negosasyon ng Pilipinas at EU FTA makaraang matigil ito noong 2017.

Ang mga partido ay may dalawang formal negotiations sa Brussels, Belgium noong 2016 at sa Cebu province noong 2017.

Iniulat din ni Gepty na tinapos na kamakailan ng Pilipinas at United Arab Emirates ang second round ng negosasyon.

“This is another milestone in our international trade relations because this will be the first time, if ever, that we will have an FTA with a Middle Eastern country. And that would be a good takeoff point also for us to access GCC (Gulf Cooperation Council) countries,” aniya.

Sinabi ni Gepty na interesa rin ang Pilipinas na lumahok sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP), ang multilateral FTA ng Australia, Brunei, Canada, Chile, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Peru, Singapore at Vietnam.

Target, aniya, ng bansa na mag-apply sa loob ng taong ito.

“Once we become part of the CPTPP, our value add here would be, of course, Chile, Mexico, Peru, and Canada. Now that UK (United Kingdom) is there, we have more reason to join (the trade pact),” dagdag pa niya.

Ayon sa kanya, layunin ng DTI na isulong ang bilateral FTAs sa  Chile at sa iba pang Latin American countries, gayundin ang magkaroon ng trade deals sa African countries sa medium term.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may dalawang bilateral FTAs — sa Japan at South Korea — at multilateral trade deals tulad ng ASEAN FTA; individual trade deals sa China, India, Japan, South Korea, Australia, at New Zealand sa pamamagitan Association of Southeast Asian Nations; at Regional Comprehensive Economic Partnership.

Ang dalawang pinakahuling FTAs na nakuha ng bansa ay sa unang taon ng administrasyong Marcos noong 2022.

“In parallel with forging this international trade agreement and economic relationships with various trading partners, it is also important that we engage with the private sector by intensifying the utilization of our FTAs,” sabi ni Gepty.

ULAT MULA SA PNA