MAY maaasahang tulong para sa kanilang pag-aaral gaya ng pagsasaliksik sa mga mahahalagang impormasyon o kaukulang kaalaman ang mga estudyante ng iba’t ibang state universities and colleges (SUCs) dahil magkakaroon ng libreng wi-fi ang kanilang campus.
Ayon kay 2nd Dist. Makati City Rep. Luis Jose Angel Campos, Jr., ang libreng internet connection na pamamahalaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay may nakalaang kaukulang budget para maipatupad sa susunod na taon.
Sa ilalim ng 2019 proposed national budget na may kabuuang halaga na P3.757 trillion, sinabi ng Makati City solon na P280 million ang gagamitin para sa naturang programa ng DICT.
Ang partikular na pondong ito, dagdag pa ni Campos, ay para lamang sa nasa 114 SUCs, partikular ang mga nasa lalawigan. Tinatayang nasa 1.3 million ang enrollees sa mga SUC.
Ani Campos, suportado niya ang nasabing programa lalo’t mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag ng pagnanais na mapakinabangan nang lubos ng sambayanang Filipino ang internet technology, na makatutulong din para sa epektibong paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan at sa lalo pang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag ng kongresista, tiwala siyang ang libreng internet sa SUC campuses ay makapaghahatid ng malaking suporta para magkaroon ng maayos na edukasyon ang mga estudyante roon, gayundin sa pagganap naman ng tungkulin ng mga nasa hanay ng faculty staff at administrative personnel.
“We are counting on highly improved password-free Internet networks in SUCs to advance opportunities for learning and research, especially in their campuses in the provinces,” sabi pa ng mambabatas.
Samantala, umaasa si Campos na sa lalong madaling panahon ay maaaprubahan na rin ang kanyang House Bill 5337, na nagsusulong para maging ‘basic service’ ng lahat ng local telecommunication companies ang pagkakaroon ng broad-band o high speed internet connections sa kanilang subscribers o customers. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.