HINDI lang libreng tuition kundi libreng wi-fi rin sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) ang panawagan kay bagong talagang Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Gregorio Honasan.
Ayon kay Senador Sonny Angara, umaasa siyang mapabibilis ng kalihim ang pagpapatupad ng libre at mabilis na serbisyo ng internet sa SUCs.
Ani Angara, sa kabuuang 112 SUCs, 17 lamang sa mga ito ang naseserbisyuhan ng libreng wi-fi hanggang nitong Disyembre 2018, base na rin sa mismong datos ng DICT.
“Ito ang mga institusyong nangangailangan ng higit na tulong sa mga ganitong programa, pero parang sila pa ang inihuhuli sa mga prayoridad,” anang senador.
Binigyang-diin ni Angara na nakasaad sa Republic Act 10929, o ang Nationwide Free Public Internet Access Program, kung saan isa siya sa may akda, na pangunahing target ng programa ang mga eskuwelahan.
Umaasa ang senador na sa ilalim ng liderato ni Honasan sa DICT, mabilis na gugulong ang proyekto para sa kapakanan ng mga esudyante.
“At hindi lang siguro ‘yung setting up ng free wi-fi ang pabilisin kundi ‘yung internet speed na rin,” aniya pa.
Napag-alaman na may kaukulang pondo na P1.7-B para sa taong 2018 ang free public wi-fi project, at P326 milyon mula rito ang inilaan para sa instalasyon ng internet hotspots sa SUCs. Ang natitira namang P1.36-B ay para sa free wi-fi sa mga pampublikong lugar, tulad ng mga bulwagang bayan, paliparan at iba pang transportation terminals.
Gayunman, sa isang pagdinig noong nakaraang taon para sa budget ng DICT, inamin ng ahensiya na 10 porsiyento lamang ng kabuuang P1.7-B budget ang kanilang nagamit.
“Hindi ko alam kung ano na ang latest progress. Pero posibleng naapektuhan ang pagpapatupad ng programa ng iba’t ibang aspeto tulad ng election ban na ipinataw sa ilang government spending, ang naantalang pagpapatibay ng Kongreso sa national budget at iba pang suliraning kinaharap ng ahensiya sa implementasyon ng programa,” saad pa ni Angara.
Napakalaking tulong, aniya, sa mga estudyante kung magagawa ng gobyerno na mapabilis ang serbisyo ng internet sa SUCs dahil mas magiging madali sa mga ito ang pagsasaliksik at paggawa ng kani-kanilang takdang aralin na hindi na kailangan pang abutin ng disoras ng gabi sa mga computer shop.
Mababawasan din ang kanilang gastos para sa pagpapa-load magkaroon lamang ng internet sa kanilang mobile phones o laptops. VICKY CERVALES
Comments are closed.